WALANG ika-apat na impeachment complaint na isasampa laban kay Vice President Sara Duterte.
Ito marahil ang napagtanto ni House Secretary General Reginald Velasco kasabay ng pahayag sa aniya’y pagsusumite ng tatlong impeachment complaint laban kay Duterte ngayong linggo.
“We have given them enough time (4th impeachment). So, we have to act on it this week. So we will have to transmit the impeachment complaints within this week,” wika ni Velasco.
Paglilinaw ni Velasco, hindi pinatulog ng Kamara ang tatlong reklamo laban sa pangalawang pangulo.
“Hindi naman kasi nga anytime, one-third of the members can endorse it, can sign a complaint in my presence, and then diretso yun sa Senate. Hindi na daraan sa Committee on Justice,” ani Velasco.
Gayunpaman, kailangan pa rin ng lagda ng 103 miyembro ng Kamara para itulak ang reklamo sa Senado na tatayong impeachment court tulad ng kaso sa pagpapatalsik kina former Supreme Court Justice Renato Corona at dating Pangulong Joseph Ejercito Estrada.
Kaugnay ng mga kilos protesta at panawagang aksyunan ang impeachment, iginiit niyang walang sinuman ang naglabas ng direktiba para ibalam ang pagsusumite ng mga impeachment complaints na inihain noong ika-2, ika-4 at ika-19 na araw ng Disyembre 2024 kaugnay ng umano’y paglustay ng hindi bababa sa P612.5 milyong confidential funds na inilaan ng Kongreso sa Office of the Vice President at maging sa Department of Education na dating hawak ng bise-presidente bilang Kalihim.
