NANGAKO si Land Transportation Office (LTO) Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor Mendoza II na susuriin ang patakaran ng ahensya pagdating sa pagpapatupad ng Temporary Operator’s Permit (TOP).
Tugon ito sa naging pahayag ni 1-RIDER partylist Representative Bonifacio Bosita sa budget deliberation ng Department of Transportation (DOTr) hinggil sa di umano’y malabnaw na implementasyon ng TOP.
“Kasama po ‘yan sa mga nirereview naming policies/ procedures para maitama ho naming lahat at kung pwede ho ay masimplehan ho namin ang proseso,” ayon kay Mendoza.
“Asahan niyo po na isa ‘yan sa aming ire-review para ho sa gayon ay – tama lang ho ang trato namin sa mga motorista na either nagba-violate o kung di naman ay nakakagamit ng kotse but later found out na may problema pala,” anang opisyal.
Ang mga motoristang mahuhuli ay bibigyan ng temporary operator’s permit o electronic TOP na meron lamang bisang 72 oras at kapag natapos ay bawal nang magmaneho ng anumang sasakyan ang driver.
Dagdag ng LTO chief, nakatakda na rin makipag ugnayan ang pinamumunuang ahensya sa Law Enforcement and Traffic Adjudication System (LETAS) at Law Enforcement Service (LES) sa hangaring pagtugmain ang mga probisyon TOP at Joint Administrative Order 2014-01.
“Yung harmonization ng JAO (Joint Administrative Order) at ng TOP ay kaagad na naming gagawin right after this meeting. I will meet with our LETAS, LES para ma-synchronize muna kung meron hong problema sa effectivity ng suspension,” ayon pa kay Mendoza.
“Aayusin ho natin kaagad ‘yan. So the moment we implement it, we would issue the necessary changes para hindi na natin matapos ‘yung problema,” pagtatapos ng opisyal.