PARA kay Senador Bong Go, malinaw ang adyenda ni former Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) general manager Royina Garma — ang ibintang sa iba ang sariling pagkakasala para makaiwas sa nakaambang parusa.
Sa isang pahayag, partikular na tinukoy ni Go ang salaysay ni Garma sa pagdinig ng quad comm sa implementasyon ng giyera kontra droga ni former President Rodrigo Duterte.
Kinumpirma ng senador na prayoridad ng dating pangulo ang wakasan ang kalakalan ng droga sa bansa. Gayunpaman, nilinaw niyang hindi sa paraan labag sa batas.
“The former President has stated clearly numerous times that his administration never sanctioned nor tolerated any form of senseless killings. Abogado si FPRRD na naging prosecutor pa. He knows and has always respected the rule of law,” saad sa isang bahagi ng pahayag ni Go.
Isang “diversionary tactic” lang din aniya ni Garma ang mga paratang laban kay Duterte na di umano’y nag-utos na ipatupad ang isang giyera kontra droga halaw sa tinaguriang “Davao model.”
Hindi rin aniya angkop na pati siya’y idamay. Ang dahilan — isa lang siyang alalay, alinsunod sa Executive Order na lumikha ng kanyang posisyon sa Palasyo.
“Bilang Special Assistant to the President noon, I have no participation whatsoever, directly or indirectly, in the operational requirements of the war on drugs. As stated in the Executive Order creating my position, my functions are limited to scheduling, appointments, and presidential engagements. My mandate does not include police operations. Kaya hindi ako nakikialam diyan.”
Nanindigan din si Go na walang reward system na ipinatupad noong nakaraang administrasyon kapalit ng buhay ng sinuman.
“Walang kinalaman ang aking opisina sa operasyon at organisasyon ng kapulisan. Hindi rin ako mismo humahawak ng pera ng opisina ng Pangulo dahil hindi yan parte ng mga tungkulin ko noon,” wika ng senador.
Ani Go, desperado na si Garma matapos inguso ng mga napag-utusan ang utak sa pagpatay kay former PCSO Board Secretary Wesley Barayuga na plano na sanang ilantad ang katiwalian sa naturang ahensya ng pamahalaan.
Hindi rin aniya siya papayag na dungisan ng isang walang basehan paratang ang kanyang pangalan — “Malicious and unsubstantiated statements should have no place in any credible investigation.”
Samantala, nanawagan si Go sa mga kapwa senador na maglunsad ng senate inquiry sa mga paratang sa kanya ni Garma.
