INAASAHANG matatapos na ang hidwaan sa loob ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), matapos italaga ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang isang retiradong huwes kapalit ni PCSO Board Chairman Junie Cua.
Sa isang kalatas ng Palasyo, pormal na hinirang bilang PCSO chairman si retired Marikina Regional Trial Court Judge Felix Reyes kapalit ni Cua.
Pinangasiwaan ni Executive Secretary Lucas Bersamin ang panunumpa ng bagong PCSO chairman sa Palasyo.
Bago pa man hinirang ni Marcos sa PCSO, higit na kilala si Reyes na nagsilbing Presidente ng Philippine Judges Association.
Batay sa rekord ng PCSO chairman, nagtapos ng kursong political science si Reyes sa Far Eastern University noong 1981 at abogasya noong 1986.
