MATAPOS ang halos tatlong linggo ng pananahimik, kinumpirma ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na totoo ang usap-usapan hinggil sa ghost employees na nabistong tumatanggap ng bonggang sahod pero di naman pumapasok sa trabaho.
Ayon sa kalatas ng BSP, sinampahan ng kasong administratibo ang apat na indibidwal batay sa rekomendasyon ng Office of the General Counsel na nangasiwa sa masusing pagsisiyasat kaugnay ng nabistong bulilyaso.
“In October 2023, the Office of the General Counsel triggered an investigation after receiving credible information that several staffers in the offices of two MB members had not been reporting for work for extended periods of time but were nonetheless receiving their salaries,” saad sa pahayag ng BSP.
“Administrative disciplinary cases were filed in March before effectivity of their separation,” dagdag pa ng BSP.
Bagamat hindi pinangalanan ang apat na ghost employees, tiniyak ng BSP na wala na ang pangalan ng mga apat na kinasuhan sa talaan ng mga empleyado ng central bank.
Gayunpaman, nananatiling tikom ang BSP sa kahahantungan nina Monetary Board Members Bruce Tolentino and Anita Linda Aquino na di umano’y dawit sa bulilyaso.
Paglalarawan ng BSP sa nadiskubreng anomalya – “The irregularities appear unprecedented in an organization that upholds integrity and professionalism at all levels. The BSP remains committed to upholding that.”
Hindi man hayagang inamin na sinibak na sina Tolentino at Aquino, nanindigan ang BSP na hindi apektado ang kanilang operasyon kahit pa lima lang ang miyembro ng Monetary Board.
Kapwa presidential appointees ng nakaraang administrasyon sina Tolentino at Aquino.
