Ni ROMEO ALLAN BUTUYAN II
KINABUKASAN niyo ang nakataya kaya dapat kasali kayo sa pagpapasya, wika ni House Speaker Martin Romualdez kasabay ng panawagan sa hanay ng mga kabataan na magparehistro para makalahok sa 2025 midterm election.
Sa isang pahayag ng lider ng 300-plus strong members na Kamara de Representantes, malaki ang ginagampanang papel ng mga batang botante sa paghubog ng kinabukasan ng bansa.
“Youth is the backbone of our nation’s future. Their active participation in the upcoming elections is crucial in ensuring that their concerns, aspirations, and vision for the country are represented and addressed by our leaders,” ayon kay Speaker Romualdez.
Pebrero 12 nang buksan ng Commission on Elections (Comelec) ang pagpaparehistro para sa 2025 mid-term election, na magtatapos naman sa Setyembre 30 ngayong taon.
Sabisa ng Register Anywhere Program ng COMELEC, maaaring magparehistro ang isang indibidwal sa itinalagang registration site katulad sa tanggapan ng Comelec at satellite offices nito, sa mga shopping malls, at mga itinakdang special registration areas kabilang ang simbahan at plaza.
Sa pinakahuling datos ng Comelec, nagkaroong malaking pagtaas sa bilang ng nagpapa-rehistrong kabataan. Gayunpaman, malaking bilang pa rin ng mga kabataang pasok at kwalipikado ang di pa rin nakarehistro.
Kaya naman giit ni Romualdez sa mga kabataan – samantalahin ang pagkakataon at magparehistro para makaboto bilang bahagi na rin ng kanilang karapatan at responsibilidad sa paghubog ng kinabukasan.
Bilang bahagi ng kanyang adbokasiya, plano ni Romualdez na maglunsad ng serye ng voters registration drive at pagbibigay impormasyon sa mga institusyong pang akademya, youth organization at mga komunidad sa buong bansa.
Para sa lider-kongresista, malaking bentahe ang paglahok ng mga kabataan para sa pagtataguyod ng isang matatag, inklusibong demokrasya at mas magandang kinabukasan para sa susunod na henerasyon.
