
MATAPOS ang tatlong taon, inirekomenda ng Office of the Ombudsman ang pagsasampa ng graft charges laban sa mga dating opisyales ng Procurement Service – Department of Budget and Management (PS-DBM) kaugnay ng maanomalyang P4.165-bilyong Pharmally deal sa kasagsagan ng pandemya.
Kabilang sa nakatakdang sampahan ng kasong kriminal sina dating PS-DBM chief Undersecretary Lloyd Christopher Lao, dating PS-DBM procurement group director at ngayon ay Overall Deputy Ombudsman Warren Rex Liong, at iba pang opisyales na pinaniniwalaang may kinalaman sa iregularidad sa pagbili ng COVID-19 test kits mula sa Pharmally Pharmaceutical Corporation.
Sa desisyong nilagdaan ni Ombudsman Samuel Martires, tatlong kaso ng katiwalian ang nakatakdaing ihain at kina Lao, Liong at Procurement Management Officer Paul Jasper de Guzman.
Hindi rin nakalusot sa nakaambang demanda ang mga corporate executives ng Pharmally na sina Mohit Dargani, Twinkle Dargani, Linconn Ong, Huang Tzu Yen, at Justine Garado.
Hagip din sa kasong graft sina Christine Marie Suntay, Webster Laureñana, August Ylagan, at Jasonmer Uayan at empleyado ng Pharmally na si Krizle Mago.
Una nang binasahan ng guilty verdict sina Lao, Liong, De Guzman, Laureñana, Ylagan, Uayan, at Suntay para sa mga kasong administratibo.
Sinimulan na rin ang dismissal proceeding laban sa mga sangkot na taong gobyerno habang pinagmumulta naman ng sslaping katumbas ng isang taong sweldo si Lao na nagbitiw sa PS-DBM bago pa man pumutok ang kontrobersya taong 2020.