
SA layuning sawatain ang patuloy na pagsirit ng presyo ng bigas sa merkado, nakaisip ng bagong diskarte ang Department of Agriculture (DA) — ang pagpapatupad ng tinatawag na “maximum suggested retail price (SRP) system.”
Paglilinaw ni Agriculture Secretary Francis Tiu Laurel, wala pang tiyak na petsa ang implementasyon ng naturang panuntunan. Gayunpaman, siniguro ng Kalihim na sisipa ang naturang sistema bago matapos ang buwan ng Enero ngayong taon.
Ayon kay Laurel, hindi na maaaring ibenta ang imported rice ng P60 per kilo pataas.
“We are now trying to establish ano ba ang maximum suggested retail price. So, we will be coming up with a maximum suggested retail price system very soon,” paliwanag ni Laurel.
Sa kabila ng itinakdang limitasyon sa presyo, nilinaw ng DA chief na hindi price cap ang ipatutupad ng kagawaran.
“It’s not a suggestion, it’s like we’re saying na ito dapat ang maximum na presyo niyan. But it’s not a price cap,” anang Kalihim, kasabay ng babalang sasampahan ng kasong profiteering ang sinumang mahuhuli na nagbebenta ng P60 bawat kilo ang imported rice.
Bilang paghahanda, nakatakdang pulungin ng DA ang mga opisyal ng Department of Trade and Industry, Bureau of Internal Revenue, National Bureau of Investigation, Philippine National Police at Department of Interior and Local Government para sa sabayang tugon sa patuloy na pagtaas sa presyo ng bigas.
“Para ma-sort namin ang aming remedies kung paano ma-address ito. Clearly, nasa Price Act at ang profiteering angle,” aniya pa.
Kabilang rin sa ipatutupad ng departamento ang pagtatanggal mga katagang “special” at “premium” sa sisidlan ng bigas. Aniya, malinaw na panlilinlang umano sa mga mamimili ang mga naturang kataga sa label.
“In the label pagka sinabi mong premium or special, hindi ba mas na-a-attract ka doon at willing ka na bilhin iyon nang mas mahal. Pero actually, hindi naman siya premium o special, parehas lang siya ng mga katabi niya,” diin ng DA chief.