IGINIIT ni House Committee on Ways and Means Chairman Joey Salceda na dapat magkaroon ng pagbabago sa batas na magbibigay-daan sa mahigpit na regulasyon sa mga korporasyon sa bansa bilang proteksyon sa mga mamamayang Pilipino.
Ang pahayag ay ginawa ni Salceda kasunod ng pagsisiwalat sa P204.3 bilyong sobrang kita ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) mula 2016 hanggang 2020.
Ayon sa kongresista mula sa ikalawang distrito ng Albay, mula taong 2016 hanggang 2020, ang itinakda ng Energy Regulatory Commission (ERC) ang P183.5 biltong limitasyon sa kita NGCP, pero sa halip na tumalima higit sa doble pa ang pumasok sa ganansya sa naturang kumpanya.
“There is a 204.3 billion that has been computed by the ERC as being in excess of each WACC (Weighted Average Cost of Capital). And, there is no provision in law. That’s the problem,” wika ng House panel head.
“Ever since I became a congressman, in almost every law I put provisions that pertains to regulated industries, I always make sure that anything above WACC belongs to the people or belongs to the state. If it’s PPP, it belongs to the state, because they’re actors on behalf of the state. If it’s a franchise that deals with the consumers, then the excess revenues belong to the consumers. And, there should be a process of disgorgement, of repayment,” dugtong ng Bicolano solon.
Sinilip din ni Salceda ang NGCP bilang siyang natatanging major player sa power sector na hindi nagbabayad ng Corporate Income Tax (CIT), Value-Added Tax (VAT) at Real Property Tax (RPT).
Sa halip, ang 40% Chinese-controlled power distribution entity ay pinapatawan lamang ng 3% franchise tax, na siyang pinakamababa sa hanay ng utility firms na may legislatively imposed rates, na kinabibilangan ng PAGCOR at Cebu Air, na nagbabayad ng 5%, at ang horse racing entities naman na hanggang 8.5%.
Puna pa ni Salceda, ang pinalitan ng NGCP na National Power Corporation (NAPOCOR) at National Transmission Corporation (TRANSCO) ay walang anumang kondisyon sa pagbabayad nila ng income tax, hindi tulad ng una.
Nabatid na ang NAPOCOR ay inaatasang i-reinvest o gamitin ang kinita nito sa expansion habang ang TRANSCO ay kailangang i-remit ang net profits sa Power Sector Assets and Liabilities Management (PSALM) Corporation, samantalang ang NGCP ay hindi nagbabayad ng income taxes at walang anumang pag-uutos na magsagawa ng reinvestment o makapagbigay ng benepisyo sa publiko.
Ang kawalan ng kaukulang rate of return sa NGCP ay itinuturing ni Salceda na naiiba sa hanay ng iba pang sensitibong sektor partikular ang pagkakaroon ng batas para sa dapat ay kitain lamang nito.
Sa halip, ang ERC lamang ang nagtatakda ng regulasyon sa ilalim ng Electric Power Industry Reform Act EPIRA, gamit ang tinatawag na Performance-Based Regulation (PBR) system, na sumusunod naman sa Weighted Average Cost of Capital o WACC.
Kinuwestyon ni Salceda ang WACC na ngayon ay nasa 15.04%, na aniya ay “highly excessive,” kasabay ng rekomendasyon gawing 10.3% at magbigay ng malaking kaluwagan sa bayarin ng mga consumer.
Mayroong limang panukalang batas na inilatag ang House panel chair para maresolba ang nasabing usapin ng kita ng NGCP.
Una ay ang paggamit ng naging pagsunod ng NGCP sa mga panuntunan bilang market benchmark para sa komputasyon ng cost of equity, habang nais din ni Salceda na isailalim ang una sa national security review ng Inter-agency Investment Promotion Coordination Committee (IIPCC).
Giit pa ng mambabatas, bantayan ng husto ang foreign control o ownership sa NGCP lalo’t may mga ilang negatibong pananaw ang ilang sektor dito.
Ipinanukala pa ni Salceda na mula sa pagbabayad ng franchise tax regime ay mailagay na lamang sa kategorya ng regular tax regime, gaya ng water utilities, ang NGCP upang matiyak ang pantay na pagpapataw ng buwis kung saan makokolekta ng pamahalaan ay maaaring gamitin para sa Pantawid Kuryente subsidy o universal reduction sa electricity rates.
Sumunod na niyang hirit ay ang pagkakaroon ng fixed reasonable rate of return para sa NGCP, tulad ng customary 12% maximum IRR para sa strategic industries at ang panghuli ay ang pagpapataw ng windfall tax sa sobrang kinita nito at maaaring maibigay bilang consumer subsidies.
Tahasang sinabi ni Salceda na mayroong kapangyarihan ang Kongreso na maamyendahan ang NGCP franchise maging patas ang tax at profit structures nito kasabay sa paghihimok niya sa kanyang mga kapwa mambabatas na tiyakin na ang power utility firm ay nag-o-operate ng patas at para sa interes ng publiko. (Romeo Allan Butuyan II)
