KUNG meron man magandang nangyari sa pagbubukas ng impeachment trial sa mga kasong kinakaharap ng pangalawang pangulo, yun ang katiyakan mailalantad ang katotohanan sa likod ng mga alegasyon sa ilalim ng Articles of Impeachment.
Paglilinaw ni dating Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers na tumatayong adviser ng House prosecution panel, wala sa dalawang panig ang nakapuntos sa day one ng impeachment trial.
“The notion that nanalo o natalo ang prosecution, mali po yan. Dahil ang nangyari ngayong araw na ito, nakita naman natin na nag-umpisa ang trial,” ang bulalas ng former Mindanaoan solon.
Isinantabi rin ni Barbers ang sapantahang dagok sa prosekusyon ang atas ng impeachment court na ibalik ang sealed box mula sa Bureau of Internal Revenue (BIR) na naglalaman ng tax records ni Duterte at mister na si Atty. Manases Carpio.
“Yes, totoo binalik ang BIR box, but this does not mean nawala na ang evidentiary value ng ebidensyang ito. At the proper time, ibabalik po ito, i-o-offer po ulit ito ng ating prosecution, and hopefully the court will admit this as an evidence,” giit ng veteran lawmaker mula sa Surigao del Norte.
Ani Barbers, sa pagpapatuloy ng pagdinig ay isusulong pa rin ng prosekusyon ang paglalatag ng mga ebidensya bilang bahagi na rin ng responsibilidad na mapagtibay ang articles of impeachment na inihain laban sa bise presidente.
