SA gitna ng pasakit na dulot ng mataas na singil sa konsumo ng kuryente, isang Canadian engineering firm ang nag-alok sa Pilipinas ng nuclear technology na magbibigay-daan sa sapat at abot-kayang enerhiya.
Partikular na tinukoy ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang AtkinsRéalis na nakabase sa Vancouver, Canada.
Katunayan aniya, nakipagpulong na sina Trade Secretary Cristina Roque at Finance Secretary Frederick Go sa mga kinatawan ng nasabing kumpanya para sa isang kooperasyon sa pagitan ng dalawang bansa.
Ayon sa Department of Trade and Industry, tinalakay ang civil nuclear energy, engineering services, project development, licensing, regulatory readiness, workforce training at human capital development.
Nakarehistro sa ilalim ng AtkinsRéalis ang CANDU EC6 nuclear reactor technology na target gamitin ng Pilipinas.
Samantala, ibinahagi ni Marcos ang US$ 2.5-billion investment mula sa mga Canadian partners.
“All these business engagements in the sectors of mining, critical minerals, energy, services, and IT-BPM resulted in combined US$ 2.5 billion in investments from Canadian partners,” anang Pangulo.
