SA gitna ng nakaambang krisis sa enerhiya, isang mungkahi ang inihain sa senado – 5% diskwento sa buwanang singil na katumbas ng konsumo sa kuryente at tubig.
Gayunpaman, limitado lang sa mga senior citizens na may konsumong 150 kilowatt hours pababa ang makikinabang sa sandaling ganap na maging batas ang Senate Bill 2169 na inihain ni Senador Lito Lapid.
Bukod sa kuryente, pasok rin sa panukala ni Lapid ang 5% diskwento sa buwanang singil sa kondisyong hindi lalampas sa 50 cubic meters ang konsumo ng naturang sektor.
Sa Senate Bill 2169, puntirya rin ng senador ang VAT exemption para sa mga utility bills ng mga senior citizens.
Panawagan ng mambabatas, hindi angkop na dagdagan ang pasanin ng mga matatandang karaniwang umaasa lang sa kapiranggot na buwanang pensyon.
“Ang pagbibigay ng diskwento ay makakatulong sa bigat ng kanilang mga bayarin. Sa ganitong paraan man lang, ipadama ng pamahalaan ang pagkilala sa ambag ng mga nakatatanda sa lipunan.”