WALANG puwang sa hanay ng mga abogado ang mga tulad ni Rodrigo Duterte, ayon sa pamilya ng mga biktima ng patayan sa madugong giyera kontra droga ng nakalipas na administrasyon. Sa isang petisyon, pormal na hiniling ng naulilang kaanak ng mga pumanaw sa anti-illegal drugs operation mula 2016 hanggang 2022 na tanggalan ng lisensya si Duterte bilang abogado. “Witness po tayong lahat dito, witness ang buong mamamayan dito. Nakita natin kung paano nagmura, kung papaano laitin ang mga kababaihan, kung papaano i-shortcut ang proseso, kung paano ibalewala ang proseso, kung paano pumatay ng tao ang taong ito,” wika ni Atty. Vicente Jaime Topacio na kabilang sa mga lumagda sa disbarment case laban sa dating pangulo. “Wala po siyang karapatan maging abugado po sa ating bansa,” dagdag ni Topacio, kasabay ng panawagan sa quad committee ng Kamara na magsumite ng sipi ng pagdinig kaugnay ng extrajudicial killings at reward system na kalakip ng giyera kontra droga ni Duterte. Sa pagdinig na dinaluhan ni Duterte, inamin ng dating pangulo at pagpaslang sa hindi bababa sa anim na katao sa lokal na kampanya kontra droga sa panahon ng panunungkulan bilang alkalde ng Davao City. Bukod sa mga sangkot sa illegal drug trade, kabilang rin sa inamin ni Duterte ang pagpatay sa mga tiwaling pulis. “I and I alone take full legal responsibility sa lahat ng nagawa ng mga pulis pursuant to my order. Ako ang managot at ako ang makulong. ‘Wag ang pulis na sumunod sa order ko. Kawawa naman, nagtatrabaho lang,” anang dating pangulo. “My mandate as President of the Republic was to protect the country and the Filipino people. Do not question my policies because I offer no apologies, no excuses. I did what I had to do. Whether you believe it or not, I did for my country,” dagdag pa niya. Bukod kay Topacio, kabilang sa mga lumagda sa disbarment case laban sa dating pangulo sina Karapatan Secretary General Tina Palabay, Fr. Manuel Gatchalian, Bayan Secretary General Raymond Palatino, Hustisya Secretary General Ofelia Balleta, Llore Pasco, Rosenda Lemita, Liezel Asuncion, Lean Porquia, Saturnino Ocampo, Norma Dollaga, Orly Marcellana, Gabriela Dalena, J. Luis Burgos, Bonifacio Ilagan, Sr. Eleanor Llanes, at Tina-Agel Romero. Samantala, nanindigan naman si dating chief presidential legal counsel Salvador Panelo na walang rekord sa husgado ang dating pangulo sa mga binibintang na krimen. “So there’s already no basis for that disbarment,” ani Panelo. ‘’Yun naman namang pagmumura niya, it is just an expression of outrage,” dugtong ni Panelo. Sa datos ng mga human rights organizations, mahigit sa 30,000 ang pinaslang sa giyera kontra droga ng nakalipas na administrasyon. Facebook Twitter/X LinkedIn Post navigation LAUREL: FOOD SECURITY EMERGENCY NAMUMURO BIGTIME UMENTO SA PETROLYO KASADO