MATAPOS pagtibayin ng Kamara ang P200 legislated wage hike para sa mga manggagawa sa pribadong sektor, hayagang kinontra ng Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI) ang umento.
Anila, mapipilay di umano ang maraming negosyo sa sandaling ipatupad ang across-the-board wage hike.
Panawagan ng PCCI sa Kamara, ipaubaya sa sa regional wage boards ang pagpapasya kung magkano ang nararapat na umento sa hanay ng mga obrero.
“We view the legislation of a minimum wage hike with much concern,” wika ni PCCI President Enunina Mangio.
“A blanket national minimum wage hike does not take into account the differences in the cost of living across regions as well as the unique needs of businesses based on specific industry, location, and type of labor they need,” dugtong pa niya.
Paliwanag ni Mangio, mas mataas ang tinawag niyang “cost of living” sa mga siyudad kumpara sa kanayunan at may mga lalawigan din aniyang mas mahal ang gastusin.
Pangamba pa ng PCCI official, lubos na apektado sa naturang panukalang batas ang mga micro, small, at medium enterprises.
“MSMEs are already operating on tight margins. The mandated wage hike will force these small enterprises to shoulder higher payroll expenses,” aniya pa.
Sakali aniyang ituloy ang implementasyon ng P200 legislated wage hike, posibwe umanong ipasa lang sa mga konsyumer ang dagdag pasanin ng mga negosyanteng employer.
Hindi rin malayo aniyang magkaroon ng sibakan sa trabaho para makasunod sa itatakdang umento sa mga empleyado sa pribadong sektor.
