PALAISIPAN sa Palasyo ang usad-pagong na imbestigasyon ng Land Transportation Office kaugnay ng reklamo ng mga operator hinggil sa di umano’y pangongotong ng sinibak na regional director ng Calabarzon Region.
Ayon kay Atty. Atty. Floreida Apolinario ng Citizen’s Complaint Center sa Palasyo, Marso pa nang idulog ng mga transport operators ang reklamo laban kay dating LTO Region IV-A Regional Director Cupido Gerry Asuncion.
Dahil sa kawalan ng aksyon ng LTO, nagpasya ang Office of the President na ipasa na lang sa Strategic Action and Response Office na nasa ilalim ng Presidential Action Center ang pagsisiyasat para agad na matugunan ang reklamong pangongotong laban kay Asuncion.
Katunayan pa ani Apolinario, natanggap na ni Assistant Secretary Gabriel Lorenzo Ignacio ng Strategic Action and Response Office ang utos ng Pangulo.
Kasabay ng imbestigasyon ng Strategic Action and Response Office, bubusisiin din aniya ng Investigative and Adjudicatory Division ng Office of the Deputy Executive Secretary for Legal Affairs (ODESLA) ang kaso ni Asuncion.
Una nang kinalampag ng Anti-Red Tape Authority (ARTA) ang LTO, subalit wala din aniyang natanggap na tugon mula sa nasabing ahensya.
