NAGPAHAYAG ng pagtutol ang Kilusang Mayo Uno (KMU) sa planong 4-day work week, kasabay ng giit na lubhang dehado ang hanay ng mga manggagawa kaugnay ng isinusulong na solusyon ng gobyerno sa mabigat na daloy ng trapiko sa Metro Manila.
Ayon kay KMU secretary general Jerome Adonis, mababawasan ang kakarampot na sahod ng mga empleyado sa pribadong sektor kung gagawing apat na araw na lang sa isang linggo ang trabaho.
Para kay Adonis, mas angkop na solusyon sa Metro Manila traffic congestion kung babalangkas ang pamahalaan ng isang polisiyang pagpapalawak ng oportunidad sa labas ng kabisera nang sa gayon ay hindi na kailangan pang makipagsapalaran sa National Capital Region (NCR).
Kahit pa aniya gawin 12 oras ang trabaho, talo pa rin ang mga obrero.
Pangamba pa ng lider-manggagawa, posibleng maging mitsa ang naturang mungkahi sa sobrang oras ng trabahong tinutumbasann ng overtime pay sa ilalim ng umiiral na sistema.
Gayunpaman, pwede aniyang gawin ng gobyerno ang four-day work week kung hindi mababawasan ang sahod at benepisyo ng mga manggagawa.
