Ni Estong Reyes
ISINUSULONG ngayon ni Senador Alan Peter Cayetano ang iba’t ibang reporma sa Philippine National Police (PNP) upang makatulong na palakasin ang integridad ng ahensya, pataasin ang benepisyo at sahod, at makatuwirang sistema ng promosyon ng organisasyon.
Sa pahayag, sinabi ni Cayetano na suportado nito ang itinutulak na reporma sa ilalim ng Senate Bill No. 2449 o ang pag-aamyenda sa PNP Reform and Reorganization Act of 1998 na ikinasa ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa
“Kung ano ang ating itatanim, iyan ang ating aanihin. Kung sa batas na ito ay magtatanim tayo ng tamang resources, batas, at proteksyon para sa ating mga pulis, maganda rin ang aanihin natin,” wika na Cayetano.
Sinabi ng senador na hindi maaaring asahan ng bansa ang pagpapabuti sa serbisyo ng pulisya kung hindi aaprubahan ang ilang amyenda sa umiiral na batas, na kanyang isusulong.
“Kung medyo kuripot po tayo sa batas na ito na ibibigay sa pulis, let’s not expect na maganda din yung reforms sa kanila,” aniya.
Isa sa mga pangunahing puntong isinulong ni Cayetano ang pagpapalakas ng integridad ng pulisya sa pamamagitan ng Internal Affairs Services (IAS) ng PNP, na nangunguna sa pagsisikap ng PNP laban sa maling pag-uugali at katiwalian ng miyembro.
“If you reform the police, you reform the society… Parang base sa PNP organizational chart ngayon, hindi kasi stocked with resources and people ang IAS. Shouldn’t we strengthen the IAS because it is also the strengthening of policemen?” sabi niya kay dela Rosa, na sumang-ayon sa kanya.
Wika ni Cayetano, isa sa mga pumipigil sa mga imbestigador ay ang kakulangan ng mga mapagkukunan upang magsagawa ng pagsisiyasat. Dagdag niya, maaari itong malutas sa pamamagitan ng pagbibigay sa IAS ng hiwalay na budget.
“I’d like to see, even sa law na ito, that there could be a separate budget, either from the Department of Interior and Local Government Secretary or PNP Chief when they think that a case may be important. Kung may importanteng kaso, dapat magkaroon ng automatic budget for the investigation na hindi pwedeng galawin,” sabi niya.
Sumang-ayon sa mga punto ni Cayetano si dela Rosa – na siyang unang PNP Chief sa ilalim ng administrasyong Duterte – at nagsabing dapat ding makaakit ang PNP ng mas maraming dekalidad na opisyal patungo sa IAS.
Para naman sa kapakanan ng mga opisyal ng pulisya, nanawagan si Cayetano para sa pagpapabuti ng kanilang katayuan, kanilang mga allowance, suweldo, at karagdagang mga benepisyo tulad ng pabahay, mga probisyon ng sasakyan, at paglilingkod sa kanilang mga pamilya.
Iminungkahi rin ng senador ang pagpapalakas ng police visibility para lalong mapanatag ang kumpiyansa ng publiko sa pulis.
“Shouldn’t we also have other symbols of visibility [of policemen]? It gives you confidence na kapag may nangyari, nandyan na ang police. It’s more confidence-building, but it will help the reform. Maybe we can add that. There should be a conscious effort for symbols of visibility for the PNP,” wika niya.
Upang higit na mapahusay ang katatagan ng organisasyon ng PNP, iminungkahi din ni Cayetano ang isang fixed term na dalawa hanggang tatlong taon para sa PNP Chief para matupad nito ang mga plano sa organisasyon.
“The present PNP Chief (Benjamin Acorda) will retire in March 2024… Pero kung sino man papalit sa kanya, unless siya ang finance or director for programs, mamanahin niya ang budget at pananaw ng former chief PNP. The cycle continues,” paliwanag ng senador.
“With power or authority comes responsibility and accountability. But it’s so hard to make someone accountable if we don’t give him the authority,” dagadag niya.
Pinuri rin ni Cayetano si Dela Rosa sa pagtataguyod nito sa ilang amendments sa PNP reform bill.
“We are blessed because the sponsor is proposing this. Kumbaga ang hugot na ito ay from his personal experience from a life of spending his career from the Philippine Military Academy, to reaching being a four-star general… His experience [and inputs for this bill] is invaluable,” sabi ni Cayetano.