Ni LOUIE LEGARDA
SA hangaring ibsan ang agam-agam ng mga Pinoy na sadlak sa kahirapan, muling pinakalma ng Pangulo ang publiko sa paraan ng isang bagong pangako – ang pagpigil sa nagbabadyang dagdag singil sa konsumo ng kuryente.
Sa talumpati ng Pangulo pagkatapos ng inagurasyon ng Malitubog-Maridagao Irrigation Project sa Cotabato, hayagang sinabi ni Marcos na gagawan niya ng paraan awatin ang pagtaas ng presyo ng kuryente dahil na rin aniya sa nararanasang krisis sa bansa.
Una nang nagpahayag ng pagkabahala ang ilang senador sa nakaambang power rate hike bunsod ng pagsipa ng presyo ng kuryente sa spot market ng mga distribution utility sa pagnanais punan ang kapos na supply ng kuryente bunsod ng pagpalya ng 47 power plants sa iba’t ibang bahagi ng kapuluan.
Para kay Marcos, bagamat artipisyal ang nararanasang power crisis sa bansa, normal lang ang pagtaas ng presyo ng kuryente dahil sa paglaki ng demand bunga ng matinding init ng panahon.
“Ang naging consumption natin biglang tumaas talaga, because of the, dahil napaka init. Kaya’t nakabantay kami nang husto kaya naman nagkakaroon ng problema sa mga iba’t ibang sistema kaya naming tinututukan,” paliwanag ni Marcos.
“Yung pagtaas ng… mayroon kaming mga plano, mga strategy para hindi na magtaas ng presyo ng kuryente. At least for now, in this crisis time. Dahil patuloy, so, tuloy-tuloy dahil nga demand and supply, pataas ng pataas ang presyo so, gagawan natin ng paraan para medyo makontrol” dugtong ng Pangulo, kasabay ng pagtitiyak na babantayan ng pamahalaan ang mga susunod na kaganapan.
“We’re continuing to monitor the price and we’re continuing to encourage and to endorse all of the programs of NGCP so that they will increase the coverage of their transmission lines all over the country,” pagtatapos ni Marcos.
