SA unang sultada ng pagdinig ng House Committee on Ethics and Privileges sa mga reklamong inihain nina Deputy Speaker Ronaldo Puno (Antipolo City 1st District) at Cavite 4th District Rep. Kiko Barzaga sa isa’t-isa, agarang tinanggihan ng dalawa ang mungkahing isantabi ang kani-kanilang sumbong sa naturang komite.
Ayon kay Puno, nagpasya ang House panel na bumuo ng isang “reconciliation sub-committee” para magsilbing tagapamagitan sa magkabilang panig at subukan pagkasundiin na lamang sila.
“There is no reconciliation because this is not a personal grievance. Hindi naman sa akin ang insulto. Ang insulto is to the institution,” pahayag ng ranking House official hinggil sa alok na mag-ayos na lamang sila ni Barzaga.
“We filed this complaint because we want standards of behavior to be established in Congress. Like, okay ba maglagay sa website namin ng mga malalaswang litrato? Okay bang insultuhin namin ‘yung kababaihan? Okay ba sabihin namin sa mga kabataan na mag-Congressman na kayo para yumaman kayo? Tama ba ‘yon?,” giit pa ni Puno.
Ani Puno na kabilang sa 29 complainants laban sa bagitong kinatawan ng Cavite, nais nilang magpasya ang nasabing komite kung katanggap-tanggap o naaayon ba ang asal ni Barzaga.
Si Barzaga ay nahaharap sa reklamong conduct unbecoming a member of the House of Representatives, paglabag sa 1987 Constitution at sa mismong panuntunan ng Kamara.
Sa kanyang ethics complaint, pinangalanan ni Barzaga bilang respondent ang House Deputy Speaker bunsod naman sa ginawang pangangalandakan umano ng huli na pagkakaroon niya ng mental health problem at iba pa.
“I prefer not to settle because I want to have a hearing to make my defense there,” tugon naman ni Barzaga sa alok na mediation.
Samantala, halos patapos na ang committee hearing nang dumating si Barzaga, at aminado naman ang mambabatas sa pagiging “late” dahil naging abala umano siya sa paglalaro sa computer. (ROMER R. BUTUYAN)
