PARA kay Senador Bong Go, hindi katanggap-tanggap ang paglilipat ng pondo ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth), kasabay ng giit na ang mandato ng naturang ahensya ay tugunan ang pangangailangan ng mga miyembro sa larangan ng kalusugan.
Sa isang kalatas, nagpahiwatig si Go na tumatayong chairman ng Committee on Health ng isang congressional inquiry para bigyan ng pagkakataon ang PhilHealth at iba pang ahensya na magpaliwanag sa likod ng kontrobersyal na P90-billion fund transfer.
“As chair of the Senate Committee on Health and as part of our oversight functions on the implementation of the Universal Health Care Law, I will be seeking answers from PhilHealth, DBM, DOF and DOH on the propriety and legality of the purported transfer of around P90 billion, representing unused government subsidy for PhilHealth, to the national treasury,” bungad na pahayag ni Go.
Ayon sa senador, layon ng isinusulong na imbestigasyon timbangin ang legalidad ng naturang hakbang ng pamunuan ng PhilHealth – “Simple lang naman ang mga tanong ng mga kababayan natin: tama at legal ba ang ginawa ng DOF at PhilHealth? Kung oo, saan naman ito gagamitin?”
Hindi rin aniya angkop na igarahe ng PhilHealth ang P90 bilyon lalo pa aniya’t maraming maralitang pasyente sa mga pampublikong ospital ang hindi pa rin malunasan ang karamdaman dahil sa kawalan ng kakayahang tugunan ang malaking halagang kailangan sa gamutan.
“Ako naman bilang senador na prayoridad ang kalusugan ng bawat Pilipino, ang aking pangunahing concern dito: Bakit may P90 Billion na excess funds ang PhilHealth na hindi nagamit para mas palawakin at palakasin pa ang benefit packages na makakatulong sa ating mga kababayan?”
“Hindi katanggap-tanggap na may pondong nandyan na hindi nagamit para matulungan ang bawat Pilipinong miyembro naman ng PhilHealth. Nais nating malaman ang paliwanag ng Ehekutibo kung bakit may ‘excess funds’ ang PhilHealth habang maraming pasyente pa rin ang naghihingalo at walang pambayad ng kanilang pagpapa-ospital o pampagamot. Bakit hindi ito ginagamit para tulungan sila?,” aniya pa.
“Dapat ang makabenepisyo pa rin diyan ay ang taumbayan, lalo na ang mga mahihirap at may sakit. Ang pondong nakalaan para sa kalusugan ay dapat magamit para sa kalusugan tulad ng pantulong sa mga pasyente, pagsasaayos ng health facilities at pambayad ng mga utang sa health workers,” pagtatapos ng senador.
