HINDI na muna maaaring maglayag sa karagatan ang mga mangingisdang Pinoy bunsod pagsasagawa ng Balikatan Exercises sa West Philippine Sea.
Sa isang pahayag, kinastigo ni Gabriela partylist Rep. Sarah Elago ang pamahalaan sa nararanasang gutom ng mga mangingisdang pinagbawalan pumalaot hangga’t hindi pa tapos ang Balikatan Exercise na sinimulan noong Abril 26. Inaasahan naman matatapos sa Abril 29 ang sabayang aktibidad ng Pilipinas, Japan at Estados Unidos.
“Hindi katanggap-tanggap na ang kabuhayan ng ating mga mangingisda at ordinaryong mamamayan ay basta na lamang isinasantabi para sa Balikatan exercises. Lalo pang pinahihirapan ang mga komunidad sa gitna ng krisis sa langis at pagtaas ng presyo ng bilihin,” diin ni Elago.
Ayon sa mambabatas, hindi lamang ang mga mangingisda ang nawalan ng kabuhayan kundi ang mga fish vendors. Sa pagtataya ng kongresista, P1,000 hanggang P3,000 ang nawawalang kita ng mga apektadong mangingisda at vendors kada araw.
