PARA kay Bicol Saro partylist Rep. Terry Ridon, mistulang kumpirmasyon ng paglabas-masok ng P6.77 billion ang paghahain ng reklamo sa asawa ni Vice President Sara Duterte sa Quezon City Prosecutor’s Office.
Sa isang kalatas, partikular na tinukoy ni Ridon ang bank transactions ni Carpio na isiniwalat ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) sa isinagawang pagdinig ng House Justice Committee kaugnay ng impeachment complaint laban sa kabiyak na pangalawang pangulo.
Araw ng Lunes nang maghain ng reklamo si Carpio laban sa mga kongresistang kasapi ng House Justice Committee hinggil sa nasabing ulat ng AMLC.
Giit ni Ridon, ang ginawa ni Carpio ay hindi nagbubura sa pinaka-sentro ng usapin laban sa mag-asawa, ang pagkakaroon ng hindi maipaliwanag na yaman at tuwirang pagtataksil sa tiwala ng bayan o betrayal of public trust.
“In fact, the complaint itself effectively concedes the factual basis of the AMLC findings. Nowhere in the complaint is there a categorical denial of the existence, accuracy, or magnitude of the financial records,” wika ng kongresista.
Ayon kay Ridon, hindi itinanggi ni Carpio ang AMLC report kung saan lumalabas na may P4.43 billion ang pumasok sa bank account nilang mag-asawa, gayundin ang P1.55 billion na outflows transactions; ang P791.1 million na undetermined transactions at pagkakaroon ng net inflow na P2.88 billion.
Ani Ridon, hindi kinontra ng abogadong asawa ng pangalawang pangulo ang datos na ibinahagi ng AMLC sa Kamara — bagay na aniya’y kumpirmasyon sa malayong diperensya sa pagitang ng yaman na idineklara ni VP Sara sa isinumiteng Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN).
Samantala, tahasang din sinabi ng pinuno ng House Committee on Public Accounts na walang paglabag sa confidentiality provision ang pagbubunyag ng AMLC.
“Confidentiality laws cannot be used to shield public officials from accountability, especially where unexplained wealth is at issue. The AMLC disclosures do not violate bank secrecy laws, as the council operates under a separate legal mandate to report covered and suspicious transactions. At this point, the discussion cannot be reduced to technical objections,” ayon pa kay Ridon.
Sa panig ni House Committee on Good Government and Public Accountability Chair at Manila Rep. Joel Chua, sinabi niyang panibagong diversionary tactic lang ang ginawa na ito ni Carpio.
“Ito ay maliwanag na diversionary tactic lamang para ibahin ang naratibo dahil maliwanag po, isa lamang po ang maliwanag, hanggang ngayon hindi pa rin nila tinatanggi ang transaction na P6.7 billion na dumaan sa kanilang bank account,” diin ni Chua.
“Ang katotohanan nga yan pati ang mga sinabi ni dating former Sen. Trillanes eh bakit hindi rin nila ginawang issue? Samantalang mayroon din doong isyu tungkol sa magnetic lifter kung saan siya inaakusahan na naglabas nito,” dagdag niya.
“Kaya nga po itong lahat na ito ay maliwanag na para lamang lihisin ang totoong isyu at ang totoong isyu ay mayroon pong pumasok ng P6.7 billion sa kanilang bank account ng mag-asawa at hanggang ngayon hindi pa nila ipinapaliwanag at itinatanggi,” sambit din niya.
Ani Chua, na bilang abogado ay alam naman ni Carpio na ang mga miyembro ng Kamara ay may “immunity from suit” lalong-lalo kung ang kanilang ginagawa ay nasa committee level o sa plenaryo.
“Ito po ay nakapaloob sa ating Saligang Batas. Kaya maliwanag na maliwanag na kami ay hindi pwedeng kasuhan base sa nasabing probisyon ng Saligang Batas,” dugtong ng Manila solon.
