SA gitna ng mga ulat hinggil sa patuloy na pagtaas sa bilang ng mga kumpirmadong kaso ng COVID-19, nanawagan ang Department of Migrant Workers (DMW) sa mga overseas Filipino workers (OFW) na mag-ingat sa nakamamatay na karamdaman.
Sa isang pahayag, partikular na tinukoy ni Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac ang mga manggagawang Pinoy na nagtatrabaho sa Singapore, Thailand at Hong Kong.
Hirit ni Cacdac sa mga OFWs, sundin ang mga health protocol para iwas-peligro.
Una nang naglabas ng health advisory ang DMW matapos ang ulat ng pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa mga karatig bansa sa timog-silangang bahagi ng Asya.
Garantiya ng Kalihim, patuloy na nakaantabay ang gobyerno sa mga Pinoy sa iba’t ibang bahagi ng daigdig. Katunayan aniya, nakikipag-ugnayan ang ahensya sa mga health authority sa mga apektadong bansa.
Pinayuhan ng DMW ang mga OFW na magsuot ng face mask sa mga healthcare facility, magpahinga kapag may sakit, maghugas ng kamay, at agad magpatingin sa doktor kung may sintomas.
