
Ni ROMEO ALLAN BUTUYAN II
MISTULANG nagkukumahog para makapasok sa Lakas-CMD ang mga politikong nais kumandidato sa nalalapit na halalan sa Mayo ng susunod na taon.
Sa Kamara, pumalo na sa 103 ang kabuuang bilang ng mga kongresistang miyembro ng partidong pinamumunuan ni House Speaker Martin Romualdez.
Bukod sa mga mambabatas sa mababang kapulungan, kabilang rin sa mga pinakahuling nanumpa kay Romualdez ang ilang senior administration government officials.
Sa isang simpleng seremonya, pinangunahan ni Romualdez na tumatayong presidente ng Lakas-CMD, ang oath-taking nina Benguet Rep. Eric Go Yap at Baguio City Rep. Mark Go.
Kasama rin sa mga bagong miyembro ng partido sina Benguet Governor Melchor Diclas, Manila Mayor Honey Lacuna, former Marikina City Congressman Miro Quimbo at Mrs. Soledad Go, maybahay ng incumbent Baguio City representative.
Nauna rito, umanib na rin sina Manila 3rd Dist. Rep. Joel Chua at Isabela 2nd Dist. Rep. Ed Christopher Go sa Lakas-CMD.
Ayon kay Speaker Romualdez, ang paglawak ng kasapian ng partido ay patunay ng nag-uumapaw na suporta ng Kamara sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
“Their leadership, experience, and commitment to serve our people greatly enhance our collective efforts to support the Agenda for Prosperity of President Marcos, Jr. and his vision for Bagong Pilipinas,” wika ng lider ng 300-plus strong House of Representatives.
“They share our principles and our aspirations for a better life for our people and a more progressive Philippines,” dugtong ng Leyte first district lawmaker, na nagpahayag din ng kanyang lubos na kagalakan at pasasalamat sa pagpasok ng mga bagong miyembro ng Lakas-CMD.