MATAPOS ang delubyo ng Bagyong Uwan, personal na binisita ni acting Philippine National Police (PNP) chief Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. ang PNP Command Center (PCC) upang pangunahan ang pagsubaybay sa mga operasyon ng pulisya at mga hakbang sa pagtugon sa mga lugar na apektado ng bagyo.
Kasama si Colonel Ramon Pranada, hepe ng PCC, sinuri ni Nartatez ang mga ulat mula sa iba’t ibang rehiyon at mga yunit ng pulis na kasalukuyang nakatalaga sa mga apektadong komunidad. Ipinamalas ng kanilang pagbisita ang dedikasyon ng pamunuan ng PNP sa patuloy na pagbabantay at pagtitiyak na ang mga operasyon para sa relief, rehabilitasyon, at seguridad ay maayos na isinasagawa at nakatuon sa kapakanan ng publiko.
KALINGA NG LIDER
Sa kanyang pagbisita, nakipag-ugnayan si Nartatez sa mga tauhang naka duty upang alamin ang mga pinakahuling ulat at magbigay ng mga tagubilin para mapanatili ang maayos na koordinasyon sa mga lokal na pamahalaan, pambansang ahensya, at mga responder. Binigyang diin niya ang kahalagahan ng patuloy na kahandaan kahit nakalampas na ang bagyo at pinapaalala na ang tunay na pamumuno ay hindi lamang nasusukat sa panahon ng krisis kundi sa tuloy tuloy na pagtulong sa panahon ng pagbangon.
Ipinunto rin niya na ang epektibong pamumuno sa ganitong mga pagkakataon ay nangangailangan ng disiplina at malasakit, mga katangiang patuloy na ipinapamalas ng PNP sa serbisyo sa publiko.
PUSO SA SERBISYO
Patuloy na nakahanda ang PNP sa pagtulong sa mga operasyon ng relief, clearing, at rehabilitasyon sa mga lugar na tinamaan ng Uwan. Sa 24/7 operasyon ng Command Center, tuloy tuloy ang pakikipag ugnayan ng mga yunit sa field upang tiyakin ang kaligtasan, tulungan ang mga evacuee na makabalik sa kanilang mga tahanan, at mapabilis ang pagbabalik sa normal na pamumuhay.
Ang pagbisita ni Nartatez ay sumasalamin sa pamumunong may malasakit at pagkilos, paalala na ang tunay na paglilingkod sa bayan ay hindi nagtatapos kapag lumipas ang unos kundi nagpapatuloy hangga’t may mga Pilipinong nangangailangan ng tulong. (MARISSA SON)
