
WALONG taon matapos ang pamamaslang sa amang alkalde, target ng anak mabawi ang kontrol sa bayan ng Albuera, Leyte sa bisa ng paghahain ng Certificate of Candidacy (COC) para sa posisyon ng mayor.
Pag-amin ni Kerwin Espinosa na aminadong drug lord sa mga nakalipas na panahon, hangad niyang ibalik sa mga Espinosa ang pamumuno ng Albuera.
Batay sa COC na isinumite sa local election office, kandidato sa ilalim ng partidong Bando Espinosa-Pundok Kausaban (BE-PK) ang kontrobersyal na testigong nagdiin kay dating Senador Leila De Lima sa kaso kaugnay ng droga.
Matatandaang inaresto at kinasuhan si Espinosa sa kasagsagan ng giyera kontra ilegal na droga ni dating Pangulong Rodrigo Duterte matapos idawit sa malakihang transaksyon ng ipinagbabawal na gamot.
Taong 2023 nang tuluyang i-abswelto ng Makati Regional Trial Court si Espinosa dahil sa kawalan umano ng sapat na ebidensya. Sumunod na inabsuwelto siya sa isa pang drug case na isinampa sa isang korte sa Leyte.