
IDINAAN sa barikada ng mga magsasaka ang pagkadismaya matapos bakuran ng isang pribadong kumpanya ang kanilang lupang sinasaka sa bayan ng Jalajala sa lalawigan ng Rizal.
Partikular na pinaratangan ng Mabilog Farmers Association ang di umano’y sabwatan sa pagitan ng Green City Estate and Development at ni Jalajala Mayor Elmer Pillas na nagbigay ng fencing permit sa naturang kumpanya.
Kwento ng mga Crisanto Pillas na tumatayong lider ng mga apektadong magbubukid, Lunes ng madaling araw nang pasukin ng mga armadong gwardya ng Green City ang Barangay Punta kung saan agad na naglagay ng tarangkahan (gate) sa barangay road papunta sa taniman ng mga magsasaka.
Bagamat pinalagan ng mga magsasaka ang anila’y biglang pagsalakay ng mga gwardya, itinuloy pa rin ng Green City ang pagbabakod sa tulong ng mga armadong sikyung nakapalibot sa mahigit 112-ektaryang lupang pasok sa kategorya ng agricultural land.
Kinuwestyon din ng grupo ang anila’y pagbibigay ng fencing permit si Jalajala Mayor Elmer Pillas nang walang konsultasyon sa mga apektadong magsasaka. Hindi rin umano tumalima ang Green City sa desisyon ng Korte Suprema.
Ayon naman sa isa pang magsasakang si Tom Pillas sila ay sumusunod sa batas subalit ang Green City ay hindi sumusunod sa kapasyahan ng Korte Suprema.
Bandang tanghali nang magkaroon ng tensyon sa pagitan ng mga magsasaka at armadong gwardya – tagpong agad na inagapan ni Staff Sgt. James Cuenco ng lokal na pulisya.
Upang maiwasan tuluyang sumiklab ang gulo, nagkaroon naman ng kasunduang status quo sa pagitan ng magkabilang panig – wala munang gagalaw habang hinihimay ang legal na aspeto ng usapin.
Sa panig ng Green City, nanindigan si Abigail Sale na walang ilegal sa kanilang pagbabakod, kasabay ng giit na ang Green City pa umano ang nalagay sa dehado makaraang alisan ng karapatan sa pagmamay-aring lupa.
Nanawagan din ng saklolo ang mga magsasaka kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na tumatayong Kalihim ng Department of Agriculture.
Wala pang pahayag ang lokal na pamahalaan kaugnay ng sigalot. (FELIX TAMBONGCO)