HINDI na nagawa pang makabalik ng Pilipinas ang isang 34-anyos ng babaeng Overseas Filipino Worker (OFW) na pinaniniwalaang pinatay ng isang manliligaw na banyaga sa lungsod ng Aman sa bansang Jordan.
Ayon sa pamilya ng biktima, nakatakda na sanang umuwi sa Pilipinas ni Mary Grace Santos sa Oktubre 24 upang makapiling muli ang dalawang anak matapos ang walong taong pagtatrabaho bilang domestic helper sa bansang Jordan.
Pagtatapat ng mga kapwa Pinay na tulad niyang nakikipagsapalaran sa bansang Jordan, sa loob ng isang diesel tank natagpuan ng mga pulis ang labi ng biktimang nililigawan ng 16-anyos na Egyptian na anak ng kasamahang hardinero.
Para kay Gng. Maria Lisa Santos, ina ng biktima, matapang at palaban ang kanyang anak.
“Matapang si Grace, matapang, malakas. Pero siguro mas malakas yung pumatay sa kanya kaya hindi na niya nagawang ipaglaban ang sarili niya. Kawawa siya. Everytime na iniisip ko kung paano siya pinatay… bilang isang ina, talagang napakasakit.”
“Kahit sampung bitay, hindi kayang bayaran ang buhay ng anak ko. Kung nandyan lang ako sa Jordan, kung pwedeng ako ang pumatay sa kanya gagawin ko. Talagang galit na galit ako sa kanya,” patungkol niya sa suspek.
Nangangamba rin ang ina ng biktima sa posibleng epekto ng kalunos-lunos na sinapit ni Mary Grace lalompa’t may malubhang karamdaman di umano ang panganay na anak ng pinaslang na OFW.
“Yung isang anak niya na panganay, may congenital heart disease kaya nagpunta ng abroad si Grace… Nagtiyaga siya alang-alang sa mga anak niya, para maipagamot niya yung anak niya at sa pag-aaral ng mga anak niya,” madamdaming pahayag ni Nanay Lisa.
Sa walong taon ni Santos sa Jordan, isang beses pa lamang aniyang umuwi sa Pilipinas si Mary Grace, ayon sa kapatid niyang si Mary Joy Yambao.
Nagbilin pa di umano si Mary Grace sa kanya na huwag ipagsabi ang kanyang pagbabalik sa Pilipinas sa Oktubre 24 bilang sorpresa sa dalawang anak.
“Twelve days na lang po, kulang-kulang 2 weeks na lang makikita namin [dapat] siyang buhay. Ngayon, makikita namin siya, susunduin namin siya na nakalagay sa kahon na malamig na bangkay na.”
Bagamat nadakip na ang salarin, hindi pa pwedeng kasuhan – o patawan ng parusang bitay – ang menor de edad na suspek hangga’t hindi sumasapit sa wastong edad.