APAT katao – kabilang ang dalawang senior citizen, ang sugatan sa naganap na pagsabog ng kemikal sa Novaliches, Quezon City.
Sa ulat ng Bureau of Fire Protection (BFP), sugatan ang mga biktimang sina Michael Tuviera, 30-anyos; Fernando Arcilla, 45-taong gulang at ang magkapatid na senior citizens na sina Jerome at Geronimo Arcilla.
Kasalukuyang nasa East Avenue Medical Center ang mga biktimang pawang nagtamo ng mga sugat, paso sa katawan at hirap sa paghinga.
Ayon kay Senior Fire Officer Rick Caranto ng Quezon City Fire District (QCFD), dakong alas 2:00 ng hapon nang maganap ang pagsabog na agad na lumikha ng sunog sa ABAM steel fabrication na pagmamay-ari ng isang Abigail Arcilla Basa.
Sa paunang imbestigasyon, lumalabas na ang pagsabog ay nangyari matapos subukang biyakin ng isang empleyado ng nasabing planta ang isang drum na naglalaman ng kemikal.
“Wala nang laman ‘yun pero possible na may mga nag accumulate na flammable fumes sa loob na dapat pinasingaw muna,” paliwanag ng opisyal.
Umabot lamang sa unang alarma ang sunog na agad naapula sa loob lang ng 10 minuto.