MATAPOS mapaulat ang muling pagdami ng mga kumpirmadong kaso ng COVID-19, nagbabala ang Department of Health (DOH) hinggil sa paglobo ng bilang ng mga pasyenteng tinamaan ng trangkaso.
Bukod sa trangkaso, hayagang sinabi ni Health Undersecretary Eric Tayag na inaasahan ang pagtama ng iba pang sakit – tulad ng lagnat, sipon at ubo – na aniya’y uso sa tuwing sasapit ang tag-ulan.
Sa datos ng DOH, umabot sa 145,249 ang mga “flu-like cases” sa bansa mula Enero 1 hanggang katapusan ng Setyembre – higit na mataas kumpara sa 144,154 kaso ng dengue sa Pilipinas mula Enero hanggang Setyembre.
Ani Tayag, kalahati ng bilang ng nagkakatrangkaso ay mga batang wala pang siyam na taong gulang.
“Siguro marami na ring nakakarating sa inyo na maraming batang nagkakaroon ng trangkaso…Maaaring dumami pa ‘yan lalo na taglamig na. Trangkaso ay all year round na iyan,” aniya.
Dagdag ni Tayag, nasa 4,000 kaso ng trangkaso kada linggo ang naitatala ng DOH noong Enero pero tumaas ito sa 5,000-6,000 kada linggo ngayong buwan.
