HINDI kayang tumbasan kailanman ang sakripisyo ng mga tinaguriang bayani ng makabagong panahon — pero pwede naman ipadama ng pamahalaan ang malasakit sa mga migranteng manggagawa.
Isa sa nakikitang paraan ni dating House Speaker Martin Romualdez ang pagpapatayo ng OFW Hospital para sa libreng serbisyong medikal sa mga balik-Pinas na migranteng manggagawa, gayundin ang kani-kanilang pamilya.
“Our OFWs carry our economy on their backs. At isang paraan para kilalanin ang kanilang kontribusyon sa ating bansa ay siguraduhin na sila at ang kanilang mga kaanak at pamilya ay mayde-kalidad na healthcare,” wika ni Romualdez sa akdang House Bill 7227 )OFW Hospital Act), kung saan co-author si Tingog partylist Rep. Jude Acidre.
“And we can do this through the establishment of an OFW Hospital. Isang institusyong tutok sa ating mga OFWs, mula sa kanilang pangangailangan bago umalis, sa pangangailangang pangkalusugan ng kanilang pamilya, at sa kanilang medical needs pagdating muli sa ating bansa,” dugtong ni Romualdez, isang abogado mula sa University of the Philippines.
Sa ilalim ng HB 7227, isang Level III hospital ay itatayo sa City of San Fernando, Pampanga, sa ilalim ng pangangasiwa at kontrol ng Department of Migrant Workers (DMW), para lamang sa mga OFW at “qualified dependents.”
Anang magkasangga sa Kamara, ang panukala ay alinsunod na rin sa polisiya nakasaad sa Executive Order 154 na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Dagdag ng dalawang mambabatas, nakapaloob sa HB 7227 na ang mandato ng nasabing ospital ay hindi lamang limitado sa bedside care, bagkus ito rin ay magiging isang full-service facility para sa pangangailangan ng migrant workers, bago pa man umalis ng bansa, habang naka-kontrata sa trabaho sa labas hanggang sa pagbabalik sa Pilipinas.
Layon ng mungkahi iparamdam sa mga OFW na ang pagtulong ng gobyerno ay hindi lamang sa panahong nahihiwalay sa kanilang pamilya, nagtitiis at nahaharap pa sa peligro, kundi hanggang sa sila’y magretiro dito sa bansa.
“The proposed law directs the facility to provide comprehensive healthcare services to migrant workers, including Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) contributors whether active or inactive, their legal dependents, and even the general public, while clarifying that nothing in the measure prevents the hospital from accommodating non-OFW patients as capacity allows,” paliwanag pa ni Romualdez
“It also positions the hospital as a referral facility for repatriated OFWs needing medical assistance and ties its operations to a seamless and coordinated referral system consistent with the Universal Health Care Act, an element backers say is crucial for distressed workers who return with urgent conditions and limited time to navigate a fragmented health system,” dugtong ng Leyte solon,
Sa panig ni Acidre, na dating chairman ng House Committee on Overseas Workers Affairs noong nakaraang 19th Congress at kasalukuyang chairman ng House Committee on Higher and Technical Education, layunin aniya ng naturang panukala magkaroon ng isang polisiya o sistema ng pamahalaan na tututok sa kalusugan ng mga OFW.
“This is a long-term and permanent service to all of our OFWs and their families. Sa laki ng kontribusyon nila sa ating bansa at ekonomiya, kulang pa itong kapalit. But it is really a very good start if we want to honor our heroes,” pagbibigay-diin pa ng House panel chair.
“The bill answers a long-standing gap in migrant welfare by giving the Department of Migrant Workers direct supervision and control of a hospital built for the unique risks of overseas work, from occupational disease to stress-related illness that often goes untreated until it becomes severe.” (ROMER R. BUTUYAN)
