WALANG dahilan para ikumpara ang dati at kasalukuyang bise presidente, ayon kay Manila 6th District Benny Abante kasabay ng patutsada kay Vice President Sara Duterte.
“Meron bang kinakaharap bang kaso si (Mayor) Leni (Robredo) kaugnay ng corruption, compared to the Vice President (Sara Duterte) right now?,”bulalas ni Abante na tumatayong endorser ng isa sa apat ng impeachment complaints na inihain sa Kamara.
Partikular na tinukoy ng kongresista ang usapin ng 2028 presidential elections matapos kumpirmahin ni Duterte kamakailan ang pagtakbo bilang Pangulo sa pagtatapos ng termino ni Pangulong ferdinand Marcos Jr.
“Yun dapat ang makita ng taong bayan. Hindi pinag-uusapan dito ang personality. Ang pinag-uusapan dito, kailangan natin ng pangulo na matino at malinis,” punto ng chairman ng House Committee on Human Rights.
Giit ni Abante, “dapat may track record, meron mai-ioffer sa bayan na iba, na makikita natin na ang bansang Pilipinas ay lalong tatayo, lalong magiging maganda.”
Bagama’t sa papel ay mayroong pagkakatulad ang ‘political resumes’ ng dating bise presidente at ngayo’y Naga City Mayor; at ng kasalukuyang vice-president at former Davao City local gov’t chief, higit na dapat matuon ang paghahalintulad sa dalawa sa kung ano ang nagawa at kakayahan sa halip na popularidad lamang.
“May similarity naman si Leni at si Sara. Naging mayor yung dalawa, naging vice president. Ang pinag-uusapan dito na dapat makita ng taong-bayan natin ‘yung track record. Ano ba ‘yung track record ni Leni? Ano ‘yung track record ni Sara?”
Kaya naman hamon ni Abante kay Duterte, isapubliko ang mga tala o record ng Department of Education (DepEd) sa panahong ng panunungkulan sa naturang kagawaran.
“Ano ba ‘yung nagawa ni Sara when she was the secretary of DepEd for two years? Ano ba ‘yung ginawa niya? Nadagdagan ba ‘yung mga classroom? Gumanda ba ‘yung restrooms sa mga public school? Gumanda ba ang ating education? At this point in time, kahit ngayon, nakikita natin, ang education natin ay hindi maganda,” usisa pa ni Abante.
Matapos nito, sinabi ni Abante na maaari dumako sa seryosong usapan ng ambisyon ng former Davao City lady mayor na sumabak sa presidential race, kabilang ang pagtatanong ng taumbayan sa kung ano ang klase ng pamamahala ang kanyang maibibigay, gayundin ang tinatawag na plataporma de gobyerno.
“Pangalawa, ano ang mai-offer mo sa bayan? For example, if you’re going to repeat the performance of your father as president, is that what you can offer the country? Or meron ka pwedeng sabihin na may mai-offer ka sa bansa natin bilang isang Pangulo ng Pilipinas na hindi ka na naniniwala sa political dynasty, kung hindi ang pinaniniwalaan mo ‘yung pangangailangan ng taong bayan,” dagdag ni Abante.
“Dapat may continuity of progress. Dapat may continuity of economic rehabilitation, for example. Sapagkat Pag-ibahin mo na naman yung programa pag pangulo ka, sapagkat wala kang bilib sa dating pangulo, hindi po nakakaganda yun sa bansang Pilipinas, because that is just playing politics.” (ROMER R. BUTUYAN)
