WALANG naghihintay na magandang kinabukasan ang mga kabataan kung walang proteksyon mula sa pamahalaan.
Ito ang buod ng saloobin nina Senador Erwin Tulfo at Bam Aquino hinggil sa kabi-kabilang insidente ng bullying sa loob at labas ng mga paaralan.
Para kay Tulfo, hindi katanggap-tanggap ang aniya’y pusturang reaksyunaryo at kabiguan ng Department of Education, Philippine National Police (PNP), Department of Social Welfare and Development (DSWD) bigyan ng angkop na proteksyon ang mga mag-aaral.
Panawagan ng senador sa pamahalaan – kabilang ang pulisya, lokal na tanggapan ng social welfare and development, at DepEd — maging “proactive” sa pagsugpo ng bullying sa mga eskwelahan.
Sa pagdinig ng Committee on Basic Education, nanawagan si Tulfo na palakasin at palawakin ang Republic Act 10627 (Anti-Bullying Act of 2013) para tuluyang tuldukan ang mga insidente ng bullying, bago pa man madagdagan ang biktima.
“Yan ang problema natin, tayo ay reactionary. Ano ang ginagawa ninyo kapag nalaman ninyong may batang binubully sa isang paaralan? Tinatawagan niyo ba ang mga magulang? Umaasa kami sa inyo na ipatupad ang batas, i-execute ito, pero ano ang nangyayari?” tanong ni Tulfo.
Pinuna rin ng senador ang Implementing Rules and Regulations (IRR) ng Anti- Bullying Law, kung saan kinakailangan pa ng reklamo bago simulan ang imbestigasyon sa isang insidente.
Paliwanag naman ni DepEd Director Atty. Razzel Anne Requesto, may probisyon sa IRR na kumikilala sa mga ulat mula sa mga nakasaksi o bystanders. Sinabi rin niya na maaaring mamagitan ang isang guro at pwedeng magsimula ng preliminary fact-finding steps.
Para naman kay Aquino na tumatayong chairman ng komite, malinaw na krisis ang lumalalang insidente ng bullying—online man o offline, kasabay ng giit para sa mas matibay na aksyon at proteksyon ng mga estudyante.
Sa dami at dalas ng insidente ng bullying sa mga paaralan, hindi na aniya nakakagulat na nasungkit ng Pilipinas ang trono bilang “Bullying Capital of the World.”
“Mayroong krisis sa pambubully sa ilang mga eskwelahan sa ating bansa,” wika ni Aquino.
Sa datos ng Southeast Asia Primary Learning Metrics (SEA-PLM), lumalabas na humigit-kumulang 50 porsyento ng mga Grade 5 students ang nakaranas ng bullying nang hindi bababa sa isang beses kada buwan noong 2024.
Samantala, ipinapakita ng datos mula sa Programme for International Student Assessment (PISA) na isa sa bawat tatlong estudyanteng Pilipino ang nagsabing nakaranas sila ng bullying sa paaralan, kung saan tinatayang 43 porsyento ng mga babae at 53 porsyento ng mga lalaki ang nag-ulat ng paulit-ulit na insidente sa loob ng isang buwan.
“Ang bullying po na ito ay hindi lang pisikal, o panlalait na harap-harapan. Kasama rin po ang pambubully online o sa social media. Hindi na natatapos ang pambu-bully sa loob ng paaralan at ang pakiramdam po ng maraming kabataan, parang walang matatakbuhan,” wika niya.
Binanggit din ni Aquino ang mga natuklasan ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM), na nag-uugnay sa bullying sa mababang antas ng literacy, mas mahinang academic performance, at mas mataas na antas ng pagliban sa klase na maaaring magdulot ng pangmatagalang trauma sa mga estudyante.
“Kapag ang ating mga anak ay binubully, bumubuo po tayo ng isang henerasyong puno ng trauma. Sa halip na yakapin ang pag-aaral, natatakot ang mga kabataan sa mismong espasyo ng pagkatuto,” dugtong ni Aquino.
