HAYAGANG inamin ni Vice President Sara Duterte ang imbitasyon ng ilang retired military officers para pangunahan ang People Power movement na naglalayong patalsikin si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Palasyo.
Sa isang panayam sa Davao City, nilinaw ni Duterte na wala sa kanyang plano pangunahan ang ‘Oust Marcos plot’ o anumang extra-constitutional na hakbang laban sa administrasyon.
Bilang bise presidente at constitutional successor, nanindigan ang pangalawang pangulo sa tungkulin niyang igalang at ipagtanggol ang Konstitusyon.
“Ako, I am the constitutional successor, I am the next in line ayon sa ating Constitution. At meron akong sinumpaan noong ako ay nag-assume ng office of the Vice President at nakalagay doon that I will preserve and defend the Constitution,” ani Duterte.
Giit ni Sara, wala sa mandato ng pangalawang pangulo ang pagsasagawa ng mga hakbang na labas sa itinakda ng batas.
“Wala sa aking mga kamay ang pagsasagawa ng extra-constitutional means to overthrow the current administration. At hindi ko din gusto yun,” dugtong ng bise-presidente.
Pinabulaanan din ni Sara ang mga ispekulasyon na nais niyang agawin ang pwesto ng pangulo. Gayunpaman, aminado ang pangalawang pangulo na nais niyang mamulat ang mga Pilipino sa tinawag niyang ‘kawalanghiyaan’ ni Marcos.
“Hindi ko gusto agawin yung posisyon ni Bongbong Marcos. Gusto ko makita ng taumbayan hanggang sa dulo kung gaano ka-walang hiya si BBM.”
