Ni Romeo Allan Butuyan Jr
PINANGUNAHAN ni House Deputy Majority Leader Erwin T. Tulfo ang paghahain ng House Resolution No. 1302 na humihiling na magsagawa ng agarang imbestigasyon hinggil sa mga diumano’y palpak na electric cooperative sa bansa.
Sa naturang House Resolution 1302, isinusulong din nina ACT-CIS partylist Reps. Erwin Tulfo, Jocelyn Tulfo, at Edvic Yap at Quezon City 2nd district Rep. Ralph Tulfo, na papasukin o pahintulutan ang mga bagong kooperatiba ng kuryente.
Paggigiit ng nasabing grupo ng House Deputy Majority Leader na sa pamamagitan ng Congressional inquiry ay maaaring isalang sa pagrebisa sa prangkisa, gayundin ang naging performance ng ilang electric cooperatives upang matukoy kung karapat-dapat na rin silang payagang makapag-operate.
Sinabi ni Cong. Erwin na naghain sila ng nasabing resolusyon matapos makatanggap ang kanilang mga tanggapan ng mga reklamo ukol sa pangit na serbisyo ng mga electric cooperatives sa kanilang mga lugar. “Sa kabila ng mga reklamo ng brownout o kawalan ng kuryente ay patuloy pa rin naman ang pagbibigay ng pangit na serbisyo ng mga electric cooperative na ito sa kanilang mga naseserbisyuhan at nagtitiis na ang ang taumbayan,” saad ni Tulfo. “Panahon na upang silipin natin ang pangit na serbisyo ng ilang mga power companies na ito sa pamamagitan ng pag-rebyu ng mga prangkisa nilka, pagkansela kung kinakailangan, at pagpasok ng mga bagong power players sa lugar,” mariing sabi pa ni Tulfo.
“The dismal performance of these electric cooperatives underscores the need to explore alternatives, such as the establishment of new electric cooperatives or other models for the provision of electricity in these areas, to address the long-standing issues that have plagued the residents and businesses,” ayon naman sa resolusyon ng mga nabanggit na mambabatas.
Sinabi ng ranking House official na may ibang electric cooperatives ngayon na gusto at handang magbigay ng kuryente sa lugar na panay ang brownout pero hindi nabibigyan ng pagkakataon dahil sa mga existing franchise ng mga aniya’y walang kakwenta-kwentang power companies. Nanindigan ang naman ang mga mambabatas na naghain sila ng resolusyon para agad na maimbestigahan at marebyu ang prangkisa ng mga electric cooperative na anila ay matagal nang inirereklamo ng publiko.