
PASPASAN, puspusan. Ganito ang paglalarawan ng pamunuan ng Kamara sa anila’y gagawing pagtalakay sa panukalang legislated wage increase.
Gayunpaman, nilinaw ni House Speaker Martin Romualdez na titiyakin ng Kongreso ang balanseng trato sa isinusulong na P200 legislated wage hike, kasabay ng giit na kailangan pa rin isaalang-alang ang kalagayan ng mga micro, small, at medium enterprises (MSME).
“The House of the People is working tirelessly to craft a wage increase measure that meets the needs of our workers while ensuring that businesses, particularly MSMEs are supported during this transition. This is a critical step toward achieving inclusive growth and addressing the immediate challenges faced by Filipino families,” pahayag ni Romualdez.
Kamakailan lang, isang pulong ang dinaluhan ni Romualdez kasama ang mga kinatawan mula sa iba’t-ibang labor groups para pakinggan ang mga hinaing at mungkahi ng sektor ng manggagawa kaugnay ng hirit na umento.
Nasa pagpupulong din sina Deputy Speaker, at TUCP Partylist Rep. Democrito Raymond Mendoza at Tingog Partylist Rep. Jude Acidre.
Para sa lider ng Kamara, napapanahon ang pagtalakay sa makatarungang pagtaas ng sahod ng mga ordinaryong manggagawa bunsod ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin at serbisyo.
Aniya, ang huling batas na nagtakda ng pagtaas ng sahod — ang Wage Rationalization Act of 1989, ay naisabatas mahigit tatlong dekada na ang nakalipas kung saan nakapagbigay umano ng angkop na umento sa sahod ng hindi nagdulot ng lubhang pagtaas sa presyo ng mga bilihin at pagsasara ng mga negosyo.
“If we were able to do this in the past, there is no reason why we cannot do it now, especially with careful planning and collaboration with all sectors. Hindi lang natin tataasan ang sweldo, titiyakin din natin na makatutulong ito sa ating ekonomiya,” giit ni Romualdez.
“Ang lumalabas na consensus dito sa House of Representatives, pending ongoing public consultation, baka kayang dagdagan ng P200 bawat araw ang minimum wage,” aniya pa.
Binigyang-diin ni Speaker Romualdez ang mas malawak na benepisyo ng pagtaas ng sahod. Dahil aniya sa inaasahang pagsipa ng spending power, kasabay din umano ang pagsigla ng ekonomiya.
“A well-designed wage hike is not just an immediate solution to help workers cope with inflation, it is an investment in our collective future,” sabi pa niya.
Paglilinaw ni Romualdez, kailangan muna makapaglatag ng balanseng solusyon na kapaki-pakinabang sa mga manggagawa at employer. Kabilang sa mga ikinokonsidera ng Kamara ang paglalagay ng probisyon para sa wage subsidies at pagbibigay ng exemptions sa mga MSMEs.
“Our MSMEs are the backbone of our economy, and they must be protected even as we address the needs of our workers. Through wage subsidies and other mechanisms, we aim to ensure that no one is left behind,” saad pa ng lider ng Kamara.
Pagtitiyak ni Romualdez, patuloy ang isinasagawang konsultasyon ng Kamara sa lahat ng mga stakeholders, kabilang ang mga grupo ng manggagawa, mga employer, at mga ekonomista, upang matiyak na ang magiging batas ay inklusibo.
“This is a delicate balancing act, but the House is committed to addressing the concerns of all sectors. We are working on a measure that truly reflects the spirit of bayanihan, one that uplifts workers, supports businesses, and strengthens the economy,” pag-amin ni Romualdez.
Kabilang sa mga labor leaders na dumalo sa pulong sina: Michael Mendoza – Pangulo ng ALU (Associated Labor Unions); Gerard Seno, Pangulo ng APSOTEU (Associated Professional, Supervisory, Office and Technical Employees Union); Cecilio Seno, Jr.- Pangulo ng ALU – Metal; Atty. Allan Montano, Bise Presidente ng FFW (Federation of Free Workers); Josua Mata, Secretary General ng SENTRO (Sentro ng mga Nagkakaisa at Progresibong Manggagawa); Luis Corral-TUCP (Trade Union Congress of the Philippines) VP para sa pambansa at internasyonal na usapin; Arturo Basea, Pangulo ng FUR (Federations of Unions of Rizal); Temistocles Dejon, Jr. – Pangulo ng AWATU (All Workers Alliance Trade Union); Alvin Fidelson, Pangulo ng KKKP (Kapisanan ng mga Kawani sa Koreo sa Pilipinas); Roland dela Cruz -Pangulo, NACUSIP (National Congress of Unions in the Sugar Industry of the Philippines); Arthur Juego, Pangulo ng KILUSAN (Pambansang Kilusan ng Paggawa); Atty. Arnel Dolendo, Pangulo ng PTGWO (Philippine Trade and General Workers Organization) at Secretary General ng TUCP; at Shirley Yorong, Assistant Secretary General ng TUCP. (ROMEO ALLAN BUTUYAN II)