DALAWAMPU’T anim na civilian informant ang nakatanggap ng kabuuang P9.4-milyong halaga ng cash rewards sa bisa ng Operation Private Eye (OPE) ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
Sa isang pahayag, ibinida ni Undersecretary Isagani Nerez na tumatayong Director General ng PDEA, ang OPE, na aniya’y isang citizen-based information collection program na idinisenyo upang hikayatin ang aktibong partisipasyon ng mga pribadong mamamayan sa pagsusuplong ng mga aktibidad ng ilegal na droga sa kanilang mga komunidad.
Sa PDEA National Office sa Quezon City, walong impormante na nagsuot ng full face mask at nakilala lamang sa code name para manatiling anonymous, ang personal na tumanggap ng monetary rewards habang sa mga regional offices naman ng PDEA kinubra ng nalalabing 18 informer ang kanilang gantimpala.
“Hats off to the informants who discreetly provided us information leading to the successful execution of 29 high-impact anti-drug operations, seizures of large amounts of dangerous drugs and arrests of high-value drug personalities nationwide”, pahayag ni Nerez.
Dalawang impormante ang nagsilbing top earners na may tig-₱2,000,000.00.
Kabilang sa mga impormasyong nakalap sa mga PDEA civilian informants ay nagbigay-daan sa pagkumpiska ng 119,930.55 gramo ng shabu, at pagdakip sa isang drug personality sa interdiction operation sa Port of Calapan, Oriental Mindoro noong Marso 21, 2025.
Mayo ng kasalukuyang taon naman nang marekober ng PDEA ang 29,926.10 gramo ng shabu at pagkaaresto sa tatlong drug personalities kasunod ng buy-bust operation sa Norzagaray, Bulacan.
Ang Operation Private Eye Reward Committee ay binubuo ng mga pangunahing opisyal at miyembro ng PDEA mula sa negosyo, akademya at sektor ng relihiyon na may napatunayang integridad at katatagan, sinuri, pinag-isipan at inaprubahan ang resolusyon na nagbibigay ng pabuya sa pera sa mga impormante. (LILY REYES)
