DIKIT-dikit na insidente ng pananambang ang nagtulak sa Department of Interior and Local Government (DILG) na atasan ang Philippine National Police (PNP) na rebisahin ang umiiral na prosesong kalakip ng bentahan ng baril at maging ang panuntunan sa paglalabas ng lisensya at permit to carry.
Ayon kay DILG Sec. Benjamin Abalos Jr. napapanahon nang magbalangkas ng mas epektibong polisiya ang pamahalaan upang maiwasan, kung hindi man tuluyang tuldukan ang mga karahasan gamit ang nakamamatay na baril.
Sa kalatas ni Abalos na tugon sa insidente ng pananambang na humantong sa pagpanaw ni Aparri Vice Mayor Rommel Alameda at lima pa niyang kasamahan sa Bagabag, Nueva Vizcaya, mariing kinondena ng Kalihim ang karahasan.
Nagpaabot rin ng pakikiramay si Abalos sa mga naulilang pamilya ng mga nasawi sa naturang pananambang, kasabay ng pangakong tutukan ang kaso hanggang sa matukoy, madakip at masampahan ng kaso ang mga salarin.
“Ipinapaabot po namin ang aming pakikiramay sa naulilang pamilya ni Vice Mayor Alameda at ng kanyang mga kasama. Makakaasa ang mga kaanak at pamilya ng mga biktima na tututukan ng kapulisan ang kaso at gagawin ang lahat para manaig ang hustisya,” dagdag ni Abalos.
“Tila nagiging garapal na ang mga kriminal na ito at wala ng pag-aatubili sa pagsasagawa ng kanilang masamang gawain. Hindi natin papayagang magpatuloy ang mga ganitong uri ng krimen at mamayani ang kasamaan.”
Siniguro rin naman ni Abalos na kumikilos na ang Special Investigation Task Force ng Police Regional Office para imbestigahan ang insidente at agad na mahuli ang mga responsable sa likod ng karumal-dumal na krimen.
Kabilang rin sa iniimbestigahan ang mga ulat na nagsasangkot sa mga pulis.