
SA halagang limang piso, muntik nang bawian ng buhay ng isang 58-anyos na barker matapos barilin ng isang taxi-driver na siningil ng P5.00 sa Quezon City kahapon.
Kinilala ni Cpl. Paul Steve Adolfo ang biktimang si Apollo Corpuz Vega na residente ng Barangay Escopa sa Project 4, Quezon City. na agad na isinugod sa Quirino Memorial Medical Center matapos tamaan sa kaliwang balikat ng bala mula sa hindi pa matukoy na kalibre.
Ayon sa imbestigador, nagkaroon ng isang mainit na pagtatalo si Vega at ang hindi pa nakikilalang taxi driver matapos maningil ng P5 ng biktimang kumuha ng pasahero para sa minamanehong taxi ng suspek dakong alas 5:45 ng hapon sa tapat mismo ng Quirino Memorial Medical Center sa kahabaan ng JP Rizal Avenue ng naturang lungsod.
Kwento naman ng mga saksi, sakay ng Envirocab taxi na may plakang NFC-1658 ang suspek na mabilis na kumaripas sa direksyon ng Marikina matapos ang pamamaril.
“Bale kumuha siya (biktima) ng pasahero, sumakay dun sa taxi, hiningian niya ngayon ng limang piso. Sabi nung taxi driver huwag kang makulit babarilin kita, tapos umalis sandali… pagbalik may hawak na dustpan na akmang ipapalo sa drayber,” ayon kay QCPD Station 8 chief Lt. Col. Leoben Ong.
Bukod kay Vega, nahagip din ng bala ang isa 13-anyos na estudyanteng si Lhiane Montepio Conchada ng Escopa 1 (Project 4) na nagkataong naglalakad pauwi sa kanilang tahanang hindi kalayuan sa lugar ng pinangyarihan.
Nagsasagawa na ng manhunt ang mga awtoridad laban sa suspek.