Ni Ernie Reyes
MAGKAIBA ang pagpalag nina Senador Ronald “Bato” Dela Rosa at Robin Padilla sa pagpuna ni dating Senate President Franklin Drilon sa kawalan ng decorum o kagandahang-asal sa inuugali nito sa sesyon at pagdinig sa Senado.
Naunang pinayuhan ni Drilon si Senate President Juan Miguel “Migz” Zubiri na kumilos at paalalahann ang kasamahan sa kanilang iniugali sa sesyon at pagdinig na nagpapalugmok sa imahe ng Senado.
Ayon kay Drilon, pasan ni Zubiri ang responsibilidad upang mapanatili ang prestihiyo ng Senado na unti-unting sinisira ng bagitong mambabatas.
Lumabas ang pagpuna ni Drilon matapos maging viral video ang pakikipag-sagutan ni Padilla sa maglalatag ng mosyon sa plenaryo. Binatikos din si Padilla sa pagsusuklay ng kanyang bigote sa harapan ng publiko sa ginanap na pagdinig sa Senado.
Inakusahan din si Dela Rosa na sinisira ni Dela Rosa ang Senado bilang isang institution nang bigla itong lumuhod sa harap ng inaakusahang pulisna sangkot sa droga na magsabi ng katotohanan sa ginanap na pagdinig sa illegal drugs.
Kaagad umamin si Dela Rosa na nagiging sanhi ng malakas nitong pagtawa ang pag-iingay sa session hall.
“Nakakalimutan ko minsan na senador pala ako, akala ko pulis pa rin ako…Nake-carried away ako sa emotion ko and I’m sorry for that kung nasisira ang imahe ng Senado dahil diyan sa mga ginagawa ko,” aniya.
“I’m sorry for that and I’m ready to make amends. I am ready to adjust,” dagdag niya.
Pero, binalewala naman ni Padilla ang puna ni Drilon dahil hindi naman siya ang pinariringgan nito.
Aniya, wala itong nakikitang dapat siyang humingi ng paumanhin dahil kakaiba ang kanyang pamamaraan sa paggawa ng ilang bagay.
“Wala namang masama doon lalo na kapag tigwas tigwas na ang bigote, mas mahirap naman,” aniya patungkol sa viral video.
“Ako ay nalalapit sa taumbayan sa pagiging ako. Kapagka binago ko ‘yung sarili ko baka malayo sila sakin…Ako ay hinalal para mapalapit sa tao, di maging mukhang kagalang galang,” giit pa niya.
Kapwa inihayag din nina Dela Rosa at Padilla na hindi nagkulang ang liderato ng Senado sa pagpuna sa kanila hinggil sa tamang decorum sa Senado.
Sinabi naman ni dating Senate President Tito Sotto na mayroon pang panahon upang magbago ang mga mambabatas na nasa unang taon ng kanilang panunungkulan.
“They should welcome such observations, lalo na ng mga antigo ay dapat pakinggan. They should take it in stride and try to follow traditions,” giit ni Sotto.