
Sinabi ni Poe, chairman ng Senate committee on public services na hindi lamang napapanahon ang privatization ng NAIA kundi matagal nang dapat isinakatuparan.
Ni Ernie Reyes
MISTULANG ipinamamadali ni Senador Grace Poe ang privatization ng operasyon ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) upang tuluyan nang tuldukan ang sunod-sunod na kapalpakan ng serbisyo ng pangunahing paliparan ng bansa.
Sa pahayag, sinabi ni Poe, chairman ng Senate committee on public services na hindi lamang napapanahon ang privatization ng NAIA kundi matagal nang dapat isinakatuparan.
“Maaaring naiwasan ang mga glitch na nagpagulo sa flight schedules at nagpahirap sa libu-libong manlalakbay kung naisakatuparan na ang modernization ng air traffic control at operasyon nito, sa mga nakalipas na maraming taon,” ayon kay Poe.
Sinabi pa ni Poe na pangunahing prayoridad na rekomendasyon sa nakalistang panukala sa committee report hinggil sa isinagawang imbestigasyon sa NAIA power glitches ay private concessionaire na ang mangasiwa ng main gateway ng bansa.
“Tulad ng ibang concessionare, kailangan tuparin ng private entiry ang pangako nito na magandahin ang air services ng ating bansa,” giit ni Poe.
Aniya, dapat itakda ng pamahalaan na magsumite ang pribadong concessionare ng
accomplishment timeline, performance matrix, at parusa sakaling nabigong tuparin.
“Nakita na natin kung paano ang transpormasyon ng Mactan-Cebu International Airport ng isang private consortium at pagpapaunlad ng serbisyo at pasilidad nito na nagkaroon ng positibong epekto sa turismo at karanasan ng manlalakbay,” ani Poe.
Iginiit ni Poe na maaaring maging template o huwaran ito sa modernisasyon ng operasyon ng NAIA.
“Panahon na upang kumpunihin ang ating pangunahing paliparan. Nararapat na maibigay sa manlalakbay, dayuhan man o Filipino ang mas mahusay na serbisyo sa ating paliparan,” ayon kay Poe.