BILANG tugon sa aral ng Lumikha, humigit kumulang 800 pamilya ang binahagian ng biyaya kamakailan ng isang punong-sibiko sa mga maralitang pamilya sa tatlong barangay sa bayan ng Sta. Maria sa lalawigan ng Bulacan.
Kasabay ng pagdiriwang ng kanyang ika-52 kaarawan, personal na tinungo ni Sta. Maria Magnificent Eagles Club President Solon Jover ang mga residente ng barangay San Vicente, Padara, at Tomana sa nabanggit na munisipalidad para sa pamamahagi ng bigas at groceries.
Kabilang rin sa mga nakiisa at tumulong sa paghahandog ng biyaya sa mga maralitang pamilya sa Rosmen Pavilion ng nasabing bayan ang iba pang kasapi ng Sta. Maria Magnificent Eagles Club, at mga kagalang-galang na opisyales mula sa iba’t ibang sangay ng pamahalaan.
“Mas makabuluhan ang kaarawan kung tayo mismo ang naghahandog kesa nireregaluhan,” maigsing pahayag ni Jover.