POSITIBONG kinilala ng dalawang pangunahing testigo ang isang lalaki na sinasabing person of interest sa pagpatay sa radio broadcaster na si Cresenciano Bunduquin sa Calapan City .
Magugunitang nilikida ng riding in tandem si Bunduquin noong Miyerkoles ng madaing araw.
Ang dalawang sinasabing witness sa radio broadcaster slay case ay isang delivery boy at ang anak ni Bunduquin na bumundol sa mga tumatakas na salarin.
Positibong umanong nakilala ang suspek dahil hindi umano ito nakasuot ng helmet nang mangyari ang krimen.
Ang kinilalang suspek ay kasalukuyang pinaghahanap na ngayon ng mga awtoridad matapos masawi ang kasama nitong naka-angkas sa motor dahil sa pagbangga sa kanila ng anak ni Bunduquin habang tumatakas matapos ang pamamaril.
Patuloy pa rin ang manhunt operation at lahat ng exit points sa Oriental Mindoro ay binabantayan na rin, ayon kay P/Col. Samuel Delorino, provincial director ng PNP Oriental Mindoro.
Kinausap na rin ng pulisya ang pamilya ng suspek at pinayuhan silang hikayatin itong sumuko na lang.
Kasabay nito, mayroon na ring magdamagang nakabantay na pulis sa pamilya ng biktima at ng witness.
Si Bunduquin na ang ikatlong nasawing miyembro ng media simula nang maupo bilang pangulo ng Pilipinas si President Ferdinand Marcos Jr.
Sinasabing taliwas sa mga naunang ulat wala umanong natatanggap na death threats ang broadcaster bago ito pinagbabaril .
Ayon kay Oriental Mindoro Police Provincial Director PCol. Samuel Delorino nakipag ugnayan na sila sa pamilya ni Cresenciano Bunduquin inihaag ng mga ito na walang pagbabanta sa buhay ng napatay na journalist.
“Wala naman silang nabanggit na death threat na natatanggap… Sa himpilan naman ng ating kapulisan dito sa Calapan ay wala pong na-record na death threat sa kanya,” ayon pa sa opisyal.