Ni Jam Navales
DAPAT umanong tapatan ng pamahalaan ang pagtaas sa pagkakaloob ng pautang sa sektor ng agrikultura at pangingisda nang pagpapagawa ng marami pang post-harvest sa iba’t-ibang bahagi ng bansa.
Ito ang binigyan-diin ni AGRI party-list Rep. Wilbert T. Lee kung saan ikinagalak niya ang ulat na nakapagpautang ang Landbank ng P255.2 billion para sa agriculture, fisheries, at rural development infrastructure projects; P118.1 billion para sa processing ng fisheries, agri-based products at farm inputs; at ang P70 billion para sa modernisasyon ng pagsasaka at business processes.
“Malaking tulong ito para mapatatag ang ating supply chain at mapababa ang presyo ng mga produktong agrikultura,” sabi pa ng neophyte party-list lawmaker.
“Pero kasabay nito, kailangan ding tapatan ng ating pamahalaan ang mga inutang ng ating mga magsasaka at mangingisda ng dagdag na infrastructure projects na popondohan ng kaban ng bayan, lalong lalo na sa post-harvest facilities katulad ng cold storage,” paggigiit naman ni Lee.
Ani Lee, kailangang tutukan ang mga pasilidad na dinadaanan ng mga produkto bago makarating sa merkado. “As agricultural loans increase, the government must also allocate more funding to improve and facilitate farm-to-market linkages and provide additional support to post-harvest facilities,” saad ng Bicolano solon.
“Sa kakulangan ng post-harvest facilities, marami ang nasasayang, nalalamog o nabubulok na mga produkto, at malaki rin ang ginagastos sa pahirapang paghahatid ng ani sa merkado,” dagdag niya.
Kaya naman muling ipinanawagan ni Lee ang pagpasa sa inihain niyang House Bill No. 3958, na nagsusulong para paglaanan ng kaukulang pondo ng gobyerno at maging prayoridad ang konstruksyon ng post-harvest facilities gaya ng warehouse, rice mill at maging ang transport facilities.
“Panahon na para gawing prayoridad ang pagpapagawa ng post-harvest facilities. Hindi sapat na ang suporta sa mga agri workers ay hanggang pre-harvest o pagtatanim lamang, dapat silang tulungan hanggang sa anihan at pagbebenta ng produkto,” mariing pahayag pa ni Lee.
“Sa dagdag na suporta para sa post-harvest facilities, may dagdag na kita ang mga magsasaka at mangingisda, may dagdag pantustos sa pangangailangan ng pamilya, at bawas pangamba naman lalo sa panahon ng pagkakasakit. Bukod dito, tataas ang lokal na produksyon tungo sa food security, at mas mapapababa ang presyo sa merkado, kung saan Winner Tayo Lahat,” pagtatapos ng kongresista.
