KINASTIGO ng Palasyo ang kumakalat na anila’y retokadong audio kung saan inatasan di umano ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Armed Forces of the Philippines na atakihin ang China.
Tinawag din ng Presidential Communications Office (PCO) na “deep fake” mga balitang laganap sa social media, kasabay ng paglilinaw na walang ganung direktiba ang Pangulo.
Paniwala ng PCO, bunga lang ng generative Artificial Intelligence ang nasabing audio ni Marcos.
Ayon pa sa PCO, patuloy na lalabanan ng naturang tanggapan ang fake news, misinformation, disinformation, at malinformation sa bisa ng Media and Information Literacy (MIL) Campaign ng ahensya.
Samantala, nakikipag-ugnayan na rin anila ang PCO sa Department of Information and Communications Technology (DICT), National Security Council (NSC), National Cybersecurity Inter-Agency Committee (NCIAC) para matukoy ang grupo o indibidwal sa likod ng “fake audio.”
“We encourage everyone to work with us in fostering a more aware, resilient, and engaged citizenry in our digital commons,” saad sa isang bahagi ng pahayag ng PCO.
