Sa pagnanais tiyakin may sapat na supply ng bigas ang gobyerno, hinikayat ng kongresistang kumakatawan sa sektor ng agrikultura ang Department of Agriculture (DA) na paigtingin ang pagbili ng mga palay na ani ng local farmers sa unang tatlong buwan ng implementasyon ng Food Security Emergency para sa buffer stock ng National Food Authority (NFA).
Sa isang pahayag, tiniyak ni Rep. Manoy Wilbert Lee na suportado ng Agri partylist group ang pagdedeklara ng food security emergency.
Gayunpaman, nanindigan ang kongresista na dapat short-term solution lamang ng pamahalaan ang naturang deklarasyon.
“Maganda ang layunin nitong food security emergency para mapababa ang presyo ng bigas sa merkado. Pero dapat mailatag dito ang malinaw na timeline kung paano matutulungan ang mga lokal na magsasaka. Hindi naman pwedeng nasa ilalim tayo ng ‘emergency’ sa mahabang panahon,” wika ni Lee.
“The NFA’s mandate should also prioritize our own rice farmers. Kawawa ang ating mga magsasaka kung mas iaasa na naman sa importasyon ang pag-replenish sa mga stock ng bigas. Dapat bilhin ng gobyerno ang palay ng mga lokal na magsasaka sa presyong tiyak ang kanilang kita, para ma-engganyo silang taasan ang produksyon, na magpapababa ng presyo sa merkado,” dagdag ng AGRI partylist solon.
Garantiya ng mambabatas, ang AGRI Partylist na muling lumahok sa nalalapit na 2025 National and Local Elections, ay patuloy na isusulong ang proteksyon sa kabuhayan at mas maraming suporta sa mga magsasaka, mangingisda at iba pang nasa sektor ng food production.
Ayon kay Lee, hindi magiging matagumpay ang food security emergency kung hindi naman masusing babantayan at reresolbahin ng gobyerno ang programa sa kartel ng bigas at iba pang produktong agrikultura sa bansa.
“Kailangan nang may sampolan at ipakulong. Balewala itong mga short-term solution ng gobyerno kung sa huli, namamayagpag pa rin ang mga demonyo at kriminal na pumapatay sa kabuhayan ng ating mga magsasaka,” tigas na pahayag pa ni Lee.
Umaasa si Lee na “bukod sa dagdag na suporta sa post-harvest facilities, tulad ng mga cold storages, dryers, rice mills, dapat din aniyang paramihin at gawing permanente ang mga Kadiwa stores nationwide na nakakatulong sa ating mga local food producers at consumers.”
“Habang ipinapatupad ang short-term solutions, dapat na ring gawin ang mga pangmatagalang solusyon para maisulong ang tiyak na kabuhayan at murang pagkain kung saan panalo ang mga magsasaka, mangingisda, local food producers, consumers, at ang sambayanang Pilipino,” hirit pa niya. (ROMEO ALLAN BUTUYAN II)
