TALIWAS sa humuhugong na ‘balita’ sa social media, hindi si Senador Chiz Escudero ang tatayong presiding officer sa pagsipa ng impeachment trial kaugnay ng kasong kinakaharap ni Vice President Sara Duterte.
Sa isang panayam, kinumpirma ni Senate President Pro-Tempore Sherwin Gatchalian na kinokonsidera ng mayorya magluklok ng isang abogadong senador bilang presiding officer ng impeachment court.
Bagamat abogado si Escudero, mas matunog ang pangalan ni Senador Kiko Pangilinan sa hanay ng majority senators na dumalo sa deliberasyon.
Una nang iminungkahi ni dating Senate President Vicente Sotto III ang pagluluklok ng isang abogado bilang presiding officer sa paglilitis kay VP Sara.
“Tama ka, sinabi ni Sen. Sotto yun… at yan ang kasalukuyang pinag-uusapan,” tugon ni Gatchalian sa tanong kung isa si Pangilinan sa ikinokonsiderang manguna sa impeachment trial.
Kasunod ito ng preparasyon ng Senado, ayon kay Gatchalian, para sa impeachment proceedings kabilang ang pagpapalabas ng pre-trial notices sa magkabilang kampo.
“Yes, I signed the notice for pre-trial yesterday. So pinadala na namin ‘yan both to the defense and the prosecution team,” aniya.
Gayunpaman, nilinaw ni Gatchalian na wala pang pinal na desisyon ang bagong mayorya kay Pangilinan.
“No final decision has been made on who will ultimately preside over the impeachment court, the matter remains under discussion among senators as they prepare for the start of the trial next month.”
