MAS madaling mahuhuli si Senador Ronald “Bato” Dela Rosa sa tulong ng mga taong malapit sa kanya kung mag-aalok ng P20-milyong pabuya ang Department of Interior and Local Government (DILG).
Sa isang panayam sa Bilyonaryo News Channel, nanawagan si dating Senador Antonio Trillanes IV kay DILG Secretary Jonvic Remulla na ikonsidera ang paglalagak ng P20 milyon pataas na gantimpala para sa ikadarakip ng puganteng senador.
Pag-amin ni Trillanes, may mga impormasyon na umano siyang natanggap sa mga posibleng pinagtataguan ni Dela Rosa. Gayunpaman, kailangan pa rin umano ang ibayong beripikasyon.
“Maraming mga leads na natatanggap pero kailangan kasi talagang i-verify itong mga leads na ito para masigurado natin na hindi tayo mini-mislead o dina-divert kung saan,” wika ng dating senador.
“Kasi kapag malapit na, natutumbok mo na, pwede silang magbigay ng ibang impormasyon para malihis ka. It’s a difficult process,” dugtong ni Trillanes.
Para aniya makasiguro, kumbinsido si Trillanes na malaki ang maitutulong ng malaking gantimpala upang mahikayat ang publiko na magbigay ng kapaki-pakinabang na impormasyon.
“Pero ang inaantay ko nga na gawin nitong DILG ay magbigay sila ng reward. Pagka nagkaroon ng reward sa information na magli-lead to the arrest of Bato, nako, mabilis ‘yan,” aniya pa.
“Siguro, mga P20 million pataas… sa hirap ng buhay, meron at meron na nakakita sa kanya, yun po. At yung mismong ibang nagbabantay sa kanya, yun mismo ang pwedeng ipasa sa kamag-anak nila para sila yung makakuha ng reward.”
