MATAPOS ang deka-dekadang pagsusulong na tinapatan ng pagsalungat ng Simbahang Katoliko, umusad na sa wakas ang panukalang batas na nagtutulak ng kontrobersyal na diborsyo.
Ayon kay Albay Rep. Edcel Lagman, napapanahon na buksan ang kaisipan ng mga Pilipino, kasabay ng panawagan sa mga kapwa mambabatas na ikonsidera ang kanyang inihaing House Bill 9349 (Absolute Divorce Bill) na nakatakdang talakayin sa plenaryo ng Kamara.
Paglilinaw ni Lagman, hindi hangad ng HB 9349 na palaganapin ang kultura ng hiwalayan. Katunayan pa aniya, dadaan sa butas ng karayom ang mag-asawa bago pa man katigan ng batas sa diborsyo.
“The overwhelming majority of Filipino marriages are happy, enduring and loving. They do not need the divorce law.”
Paliwanag ng kongresista mula sa Bicolandia, para lamang aniya ang diborsyo sa mga mag-asawang hindi kayang ayusin pa ang pagsasama – “An absolute divorce law is urgently necessary for marriages which have collapsed and are beyond repair, where the majority of the victims are the wives who have been subjected to cruelty, violence, infidelity and abandonment.”
Pwede lamang aniya ikonsidera ang diborsyo kung mahigit limanmg taon na silang hindi nagsasama.
Pasok din sa criteria ng panukalang diborsyo kung isa sa mag-asawa ay sumailalim sa sex change, o kung dumaranas ng matinding pag-abuso ang isa sa kanila.
“In the grant of absolute divorce, no marriage is destroyed because the union has long perished,” pagtatapos ni Lagman.
