
PALAISIPAN kay Senador Risa Hontiveros kung saan humuhugot ng lakas ng loob ang mga kawani ng Bureau of Immigration (BI) sa kabila ng nagkalat ng closed-circuit television (CCTV) camera sa lansangan.
Partikular na tinukoy ni Hontiveros ang video footage ng aktwal na sabwatan sa pagtakas ng isang puganteng Korean national na sinamahan ng mga immigration personnel sa Quezon City Prosecutor’s Office kamakailan.
Ayon kay Hontiveros, malinaw sa video footage na hindi tinakasan ni Na Ikhyeon ang mga escort na immigration personnel.
“CCTV confirmed that the Korean fugitive didn’t just escape from the Bureau of Immigration, he was deliberately let go,” ayon kay Hontiveros.
Kumbinsido rin si Hontiveros na na posibleng tuluyan nang nakatakas ang dayuhang Koreano kung hindi pa nalantad sa publiko ang modus ng mga tiwaling immigration personnel.
“This is symptomatic of the failures and offenses of the BI in handling erring foreign nationals. The culture of corruption in the agency seems to be going away,” giit ng senador, kasabay ng pahiwatig sa napipintong paglutang ng mas marami pang video footage sa loob ng isang mamahaling “girlie joint” kung saan aniya posibleng pinlano ang pagtakas ng Koreano.
“Commissioner Viado should ensure that BI officials involved in this shameful incident be imposed the strictest penalties, including criminal liability under Article 223 of the Revised Penal Code. These government employees should feel a little shame,” aniya pa.
Nitong Marso 4, muling nadakip ng Immigration operatives si Nah sa isang residential area sa Barangay Pampang, Angeles City, Pampanga kasama ang kapwa Koreanong si Kang Cham Beong na umano’y kasabwat sa pagtakas.
Kapwa nakapiit sina Nah at Beong sa Immigration detention facility sa loob ng Camp Bagong Diwa sa lungsod ng Taguig. (ESTONG REYES)